Ni: Ric Valmonte

NANG alisin na ni Pangulong Duterte sa Philippine National Police (PNP) ang papel nito bilang pangunahing tagapagtaguyod ng kanyang kampanya laban sa ilegal na droga, binuwag ng PNP ang drug enforcement unit sa mga regional office at police station sa buong bansa. Winakasan na rin nito ang Oplan Tokhang at Project Double Barrel. Ang Oplan Tokhang ay ang door-to-door campaign ng pulisya para hikayatin ang mga gumagamit ng droga na sumuko para sa kanilang rehabilitasyon. Ang Project Double Barrel ay ang masidhing kampanya laban sa bentahan ng droga sa pamamagitan ng pagsalakay sa mga pook ng mga dukha kung saan nakapatay ang mga pulis, ayon sa PNP, ng 3,800 suspect na nanlaban sa kanila nang kanilang arestuhin ang mga ito. Hindi kabilang dito ang mahigit 2,000 napatay ng mga hindi kilalang tao na, sabi ng mga human rights group, ay hired guns ng mga pulis o mga pulis mismo na pumapatay dahil sa ipinangakong pabuya sa kanila ng kanilang mga pinuno.

Pero sapat na ba na binuwag na ang Tokhang at Project Double Barrel? Paano na iyong mga napatay sa ilalim ng mga ito sa pagpapairal ng war on drugs ng Pangulo? Dapat imbestigahan silang lahat upang malaman kung sino ang mga nakapatay.

Pagkatapos malaman ang may gawa nito, kailangang sampahan sila ng kaso.

Ito ang iniaatas ng mga kasong Hildawa vs. Minister of Defense, G.R. No. 67766, Aug. 14, 1985 at Valmonte vs. Integrated National Police, G.R. No. 70881, Aug. 14, 1985. Kinuwestyon sa dalawang kasong ito ang constitutionality ng Secret Marshals at Crimebusters na nilikha ni dating Pangulong Marcos upang, aniya, ay pangalagaan ang mga pasahero ng mga pampublikong sasakyan laban sa mga holdaper. Ang problema, nagbunga ang mga ito ng mga araw-araw na pagpatay ng mga awtoridad, tulad ng nangyari sa war on drugs ni Pangulong Digong.

Ang sabi ng Korte Suprema sa dalawang kasong ito na sabay na dininig: “Walang mali sa paglikha at pagpapakalat ng mga special operation team upang masawata ang kriminalidad at iba pang bisyo, prostitution, drug addiction at pornography.” Ang ikinababahala ng Korte ay ang paggamit umano ng dahas sa pagpapatupad sa layunin ng mga special squad.

At ang masama ay patayin ang mga “criminal” dahil hindi lang sila law enforcer kundi prosecutor, judge at executioner. Kung sa pagmamantine ng peace and order, ang mga peace officer ay mga taong katatakutan din, ang mamamayan ay malalagay sa pagitan ng mga criminal at lawless public official. Kapag nalaman kung sino ang pumatay at inamin naman niya na siya ang pumatay sa biktima, tungkulin ng imbestigador na kasuhan ito sa korte o tribunal na magpapasya kung ang pagpatay ay nangyari dahil idinepensa lamang ng nakapatay ang sarili o tinupad lamang niya ang kanyang tungkulin.