Ni: AFP
SINABI ng two-time Academy Award winning actress na si Jane Fonda nitong Huwebes na may alam siya tungkol sa mga akusasyon laban sa movie mogul na si Harvey Weinstein at nagpahayag na dapat ay mas naging matapang siya sa pagpahayag ng kanilang mga reklamo.
Sa panayam ng programang Hardtalk ng BBC, na ipapalabas sa Lunes, sinabi niya na nagawang molestiyahin ni Weinstein ang mga babae sa loob ng maraming dekada “because he’s powerful”.
Sunud-sunod ang paglabas ng mga babae, kabilang ang celebrities na sina Angelina Jolie at Gwyneth Paltrow, na inaakusahan si Weinstein ng sexual harassment, at ang ilang aktres naman ay nagsabing sila ay ginahasa.
Itinanggi ni Weinstein na ang alinman sa mga insidente ay non-consensual.
Inamin ni Fonda na una niyang narinig ang tungkol sa mga alegasyon isang taon na ang nakalilipas, pero hindi siya nagsalita sa publiko para protektahan ang pribadong buhay ng mga nag-aakusa.
Aniya, pinagsisihan niya ngayon ang kanyang pananahimik.
“I should’ve been braver and I think that from now on I will be when I hear such stories,” ani Fonda sa live audience, kabilang ang ilang miyembro ng British parliament, na nagtipon para sa panayam.
“Thank God it’s being talked about,” sabi ng aktres, pinuri ang mga nagsiwalat at nanawagan ng mas malawak na proteksiyon sa kanila.
“We have to start believing these women... and protecting them,” aniya.
“You’re scared because you feel like... you’ll never work again because they have so much influence... and you won’t be believed,” dugtong niya.
Ibinunyag ng aktres, na sumikat sa buong mundo noong 1960s nang magbida sa mga pelikula gaya ng Barefoot in the Park at bilang iconic figure ng anti-Vietnam War movement, na nakaranas siya ng sexual harassment sa isang French director na hindi niya pinangalanan noong siya ay 21 anyos.
Sinabi ni Fonda na nag-alok ang director ibibigay sa kanya ang isang papel, at nagpalusot na: “he had to find out what kind of orgasms she had”.
“I got hired even though I didn’t give him what he wanted,” pagbabalik-tanaw niya, binanggit na gayunpaman ay nanahimik siya tungkol sa proposition.
Matagal nang tagasulong ng women’s rights, hiniling din ni Fonda na ituon ang pansin hindi lamang sa Hollywood, binanggit ang mga kaparehong akusasyon sa iba pang public figures gaya ni US President Donald Trump at dating International Monetary Fund head Dominique Strauss-Kahn.
“I’m hoping that with this coming out about Harvey Weinstein, Bill Cosby, and then (the man) who’s currently our president, that men will not feel they can get away with it,” aniya.
“We have to stand up to them,” dagdag ni Fonda.