Nina LEONEL M. ABASOLA at VANNE ELAINE P. TERRAZOLA

Nakaluhod, nakaposas at nagmamakaawa para sa kanyang buhay ang 19-anyos na si Carl Angelo Arnaiz bago siya pinagbabaril ng dalawang pulis-Caloocan noong Agosto.

Ito ay batay sa testimonya kahapon ng dalawang testigo, kabilang ang taxi driver na umano’y hinoldap ni Arnaiz, na kapwa humarap sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado sa pagpatay kina Arnaiz, Kian Loyd Delos Santos, at Reynaldo De Guzman.

Sinabi ng taxi driver na si Tomas Bagcal na nakita niya mismo nang pagbabarilin si Arnaiz nina PO1 Jeffrey Perez at PO1 Ricky Arquilita.

Metro

Hinahanap daw ang anak: Lolo na may Alzheimer’s nahulog sa creek, nalunod!

Ayon kay Bagcal, nahuli niya si Arnaiz at isang batang lalaki matapos siyang tutukan ng kutsilyo sa leeg at magdeklara ng holdap.

Aniya, inilipat na niya sa kustodiya nina Perez at Aquilita ang dalawa sa tulong ng isang tricycle driver.

‘ITATAPON NA LANG’

“Pagkalipas ng mga more or less 10 minutes, pumasok ‘yung pulis sa kuwarto ko at sinabi ko ulit na i-turn over ko ‘yung dalawang holdaper. At sabi, itatapon na lang sabay senyas na gigilitan ng leeg,” kuwento ni Bagcal. “Naisip ko, puwede nila akong isabay sa mga holdaper na papatayin. Higit sa lahat kasi, hindi nila ako ni-log book, hindi nila itinanong pangalan ko at address ko, at ganun din ‘yung korporasyon ng taxi ko.”

Sinabi pa ni Bagcal na nagtungo sila sa C3 Road kasama ang isang Sir Lakay o Mr. Rasas, na isang pulis na kasama niya sa sasakyan nang pagbabarilin umano nina Perez at Arquilita si Arnaiz.

“Huminto kami pero pinagbabaril na ‘yung holdaper at nakaluhod po siya. Isa lang po ang pinababa at isa naiwan. ‘Yung hitsura lang po niya (Arnaiz) nakaluhod na nakataas ang kamay po,” ani Bagcal.

Ayon kay Bagcal, nakita niyang nakaluhod si Arnaiz nang pagbabarilin ng mga pulis, na taliwas sa opisyal na report ng Caloocan City Police na nagsabing nanlaban ang teenager kaya nila ito napatay sa C-3 Road sa Barangay 28, Caloocan City, madaling araw ng Agosto 18.

Nang tanungin ng mga senador kung nakikilala niya ang mga bumaril kay Arnaiz, sagot ni Bagcal: “Si Jeffrey (Perez) at Ricky (Arquilita) po.”

Sinabi naman ng isa pang testigo, isang alyas “Joe Daniel”, na nakita niyang pagbabarilin si Arnaiz.

‘NAKAKAAWA ‘YUNG MUKHA NIYA’

“Napalinga po siya (Arnaiz) sa direksiyon ko. Nakakaawa po ‘yung mukha niya. Sa tanang buhay ko, ngayong lang ako nakakita nang nakadikit po ‘yung kamay sa police mobile. Ilang saglit lang, tumakbo po siya sa damuhan. Nakaluhod na po siya nung binaril, na may posas,” ani Daniel.

Kuwento niya, galing siya sa isang karinderya sa C-3 Road at palabas na nang makita niya ang pamamaril kay Arnaiz malapit sa isang gasolinahan. Sa labis na takot, sinabi niyang nagtago siya sa likod ng poste ng kuryente bago nag-abang ng pagkakataong makatakas.

Nang tanungin kung sino ang mga bumaril kay Arnaiz, itinuro ni Daniel sina Perez at Arquilita.

Tumanggi namang magbigay ng komento ang dalawang pulis, at iginiit ang kanilang karapatan sa self-incrimination dahil na rin sa mga kasong kinahaharap nila.

Nagkaroon ng mga pagkakaiba ang testimonya nina Bagcal at Daniel, at ikinatwiran ng taxi driver na tinakot umano siya ng mga pulis upang baguhin ang kanyang kuwento, at pinapirma umano siya sa mga affidavit.

NAGKOKONTRAHAN

Iginiit naman ni Senator Panfilo Lacson sa Department of Justice (DoJ) na magsagawa ito ng masusing pagtatanong sa dalawang testigo dahil sa pagkakaiba ng pahayag ng mga ito.

“Nagkokontrahan. Magkaiba ang oras pero pareho ang nakita nila. Pero dapat talaga, tingnan ding mabuti ng DoJ, ng prosecutor, kung sino talaga ang mas credible sa dalawa,” ani Lacson, chairman ng Senate committee on public order and dangerous drugs.