Ni MARY ANN SANTIAGO

Kumpirmadong nasawi ang isang walong taong gulang na lalaki at kanyang lolo habang apat na iba pa ang nasugatan nang mahulog ang isang trailer truck sa isang tulay matapos itong mawalan ng preno, at bumagsak sa ilang barung-barong sa Pandacan, Maynila kahapon.

Dead on the spot si John Dave Baltazar, 8, at lolo niyang si Danilo Baltazar, 61, matapos madaganan ng truck, habang nasugatan naman si Julius Clark Baltazar, 12, kapatid ni John Dave; isang Clarissa Sarias; ang driver ng truck na si Reynaldo Acosta; at pahinante ni Acosta na hindi pa tukoy ang pangalan.

Batay sa ulat ni Supt. Rolando Gonzales, hepe ng Manila Police District (MPD)-Station 10, pasado 3:00 ng hapon nang mangyari ang aksidente sa Zamora Interlink Bridge sa Pandacan.

National

Abalos, tiwala sa kakayahan ni bagong DILG Sec. Jonvic Remulla

Ayon kay Acosta, patungo sila sag Sta. Mesa nang mawalan ng preno ang minamaneho niyang truck.

Tinangka umano niyang kabigin pakaliwa ang manibela at ibinangga na lang ang truck sa railing ng tulay sa pag-aakalang hihinto ito, ngunit minalas na naputol ang railing kaya nagdire-diretso itong nahulog sa ilalim ng tulay at bumagsak sa ilang barung-barong sa Tomas Claudio Street, kabilang na ang bahay ng mga Baltazar.

Habang isinusulat ang balitang ito ay tinatangka pa ng mga awtoridad na iangat ang trailer truck, na may tatak na “Yangming”.

Pansamantala ring isinara ang kalsada sa ilalim ng Padre Zamora Interlink Bridge, kung saan nahulog ang truck, kaya nagsikip ang trapiko sa lugar.