Ni: PNA

NASA ilalim na ngayon ng state of emergency ang munisipalidad ng Quezon sa katimugang Palawan dahil sa diarrhea outbreak na dulot ng kontaminadong pinagkukunan ng inuming tubig.

Kinumpirma ni Dr. Allan Paciones, ng Quezon Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) na apat na katao na ang namatay dahil sa outbreak.

Aniya, ang dalawang nasawi ay nagmula sa Barangay Malatgao, at tig-isa mula sa mga barangay ng Alfonso XIII at Pinaglabanan.

Sinabi ni Paciones na nagsagawa ng water sampling tests ang Regional Epidemiology Surveillance Unit (RESU) ng Department of Health (DoH), at nagkasakit ng malalang gastroenteritis ang apat na taga-Quezon.

Sa Bgy. Pinaglabanan, kung saan pinaniniwalaang nagmula ang outbreak, ang mga kasong naitala ay mga menor de edad kumpara sa Bgy. Alfonso XIII at Bgy. Malatgao, kung saan dalawa ang binawian ng buhay, ani Paciones.

Dagdag pa niya, nahawa ang ibang mga tao mula sa nakukuhang bacteria mula sa ibang tao sa Pinaglabanan, hindi gaya sa ibang mga barangay, kung saan ang mga residente ay dumumi malapit sa mga pinagkukunan ng tubig.

“Residents may have discharged waste matter near the water sources, and because it is raining, the bacteria flowed to our water system,” aniya.

Ang gastroenteritis ay impeksiyon sa tiyan at sa bituka, na sanhi ng mga bacterial toxins o viral infection, na nagdudulot ng pagsusuka at pagtatae, paliwanag ni Paciones.

“Although we now have less recorded cases compared in July and August due to the conduct of mass treatment, we continue to warn residents of Quezon against drinking water without boiling it first or treating with Aquatabs,” aniya.

Idinagdag pa ni Paciones na kahit ang mga purified water refilling station ay napag-alamang kontaminado ng bacteria, habang inaalam pa ng RESU kung anong uri ng bacteria ito, sa tulong ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM).

“The RESU will send samples to the RITM to determine what type of bacteria it is, and after a week we will know,” saad ni Paciones.

Bukod sa malawakang gamutan, kabilang ang decontamination ng mga pinagkukunan ng tubig, at pamumudmod ng purification tablets gaya ng Aquatabs, nagsasagawa na rin ang lokal na pamahalaan ng awareness at daily monitoring ng mga kaso.

Noong Setyembre 8, bumaba na ang kaso mula sa 727 patungong 199, at kung magpapatuloy ang pagbaba ng mga kaso, aalisin na sa bayan ng Quezon ang deklarasyon ng state of emergency sa kalamidad, aniya.

“Since the declaration of state of emergency last week, a fund of PHP250,000 had been released for our use to solve the health issue. If the downtrend doesn’t remain that way, we will declare a state of calamity as we were told the only solution for now is to have residents drink bottled water,” lahad ng hepe ng MDRRMO.