TIYAK na makaaangat sa world rankings ang walang talong si Mark Anthony Barriga kung magwawagi laban kay two-time world title challenger Wittawas Basapean sa kanilang sagupaan para sa bakanteng WBO International minimumweight title sa Setyembre 29 sa Beijing, China.
May kartadang 6 na panalo, isa lamang sa knockout, tumanyag si Barriga bilang amateur boxer na lumahok sa London Olympics at nakaharap ang tulad ni two-time Olympics gold medalist Zou Shiming ng China na naging WBC flyweight champion sa professional boxing.
Bagama’t may anim na laban pa lamang, nakalista na si Barriga bilang No. 14 kay IBF minimumweight titlist Hiroto Kyoguchi at No. 15 kay WBO mini flyweight ruler Ryuya Yamanaka kapwa ng Japan.
Beterano naman ang 32-anyos na si Basapean na kasalukuyang PABA minimumweight champion at napalaban na sa WBC at IBF light flyweight titles pero nabigo na maging kampeong pandaigdig.
May rekord si Basapean na 33-3-0 na may 12 pagwawagi sa knockouts at nangakong tatalunin si Barriga para muling makapasok sa world rankings. - Gilbert Espeña