NAKIAMOT sa liderato sa Group A ang National University nang maidispatsa ang San Sebastian College, 25-21-21-25, 25-11, 25-18 nitong Lunes sa women’s division ng Premier Volleyball League (PVL) Collegiate Conference sa The Arena sa San Juan.

Nakopo ng back-to-back defending champion ang ikalawang sunod na panalo para makatabla ang Far Eastern University sa maagang liderato.

Ngunit, iginiit ni NU coach Babes Castillo na hindi sapat ang ipinamalas ng kanyang bataan.

“Siyempre, I always appreciate a win. It was a win, maganda ang result, but the way we did it, medyo hindi pa kami happy doon talaga. It goes to show na ‘yung aming system needs more working on,” aniya.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nanguna sina Aiko Urdas at skipper Jaja Santiago sa Lady Bulldogs sa naiskor na 17 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Sinandigan naman ni Jasmine Nabor ang opensa ng NU sa nagawang 44 sa 45 sets play.

Nanguna sa Lady Stags (1-2) si team captain Joyce Sta. Rita na may 12 puntos. Hindi nagabayan ni coach Roger Gorayeb ang koponan bunsod ng personal na inasikaso.

Nasungkit naman ng University of the Philippines ang unang panalo nang pabagsakin ang Technological Institute of the Philippines, 25-20, 25-9, 25-13.

Hataw si skipper Diana Carlos at Isa Molde para sa UP sa naiskor na pinagsamang 26 puntos para makabawi sa kabiguang natamo sa Adamson.

Tabla ang Lady Maroons sa San Beda College sa Group B na may 1-1 karta.