Ni: PNA

INIHAYAG ng Department of Health (DoH)-MIMAROPA nitong Lunes na nagbalik na ang mga regular na biyahe sa Palawan ng mga air ambulance o ambulansiya sa himpapawid, upang mapagsilbihan ang mga pasyente na nasa liblib na mga barangay at isla.

Sinabi ni DoH-MIMAROPA Director Eduardo Janairo na ang mga regular na biyahe ng ambulansiyang panghimpapawid ay opisyal nang ibinalik noong Agosto 15.

“The Civil Aviation Authority of the Philippines has already issued the Airworthiness Certification, meaning the aircraft is now in a condition allowing for safe operation. All the needed parts were replaced and the aircrafts have been duly inspected, and 100% fit to fly,” lahad ni Janairo.



Aniya, ang mga mangangailangan ay maaaring makipag-ugnayan sa bagong Globe Hotline na 0917-5531651 para sa air ambulance, na bukas 24-oras upang matanggap ang mga mensahe at tawag ng mga pasyente. Sa kabilang banda, maaari pa ring gamitin ang Smart Hotline na 0998-5492585.

Ipinaliwanag ni Janairo na nasa ilalim ng Republic Act 9497, mayroong awtoridad ang Civil Aviation Authority of the Philippines na pangasiwaan ang transportasyon sa himpapawid sa bansa upang masiguro ang kaligtasan, pagkakapantay-pantay at pagiging maaasahan ng mga serbisyong para sa publiko.

Sa ngayon, dalawang ambulansiyang panghimpapawid ng DoH-MIMAROPA ay nagsasagawa ng karaniwang dalawa hanggang tatlong biyahe bawat araw, at nakapagdala ng 99 na pasyente simula Pebrero 9 hanggang Hulyo 31, 2017.

Ang mga regular na pasyenteng nabigyan ng serbisyo ay mula sa mga munisipalidad ng Cuyo, Magsaysay, Balabac, at Brooke’s Point.


Nabigyan din ng serbisyo ang mga pasyenteng nangangailangan ng agarang lunas na mula sa Zamboanga at Tawi-Tawi, at dinala sa pinakamalapit na health facilities sa Palawan.



“We are also expecting a plane donation, one Cessna 182Q aircraft from a non-government international organization based in the United States that may also be used in transporting emergency patients in MIMAROPA,” dagdag pa ni Janairo.



Nanawagan din si Janairo sa mga taong may sariling seaplane na tumulong na maghatid sa mga emergency patient mula sa mga barangay sa isla, na walang air strips.



Naging posible ang ambulansiyang panghimpapawid sa pamamagitan ng memorandum of agreement na pinirmahan noong Pebrero 8, 2017 ng DoH-MIMAROPA at ng Philippine Adventist Medical Aviation Services, Incorporated, na ang tanggapan ay matatagpuan sa Brooke’s Point sa Palawan.