Ni: PNA

MAKATUTULONG ang modernong teknolohiya na ibibigay ng Singapore sa gobyerno ng Pilipinas upang masolusyonan ang lumalalang trapiko sa Metro Manila.

Pinirmahan ng Department of Transportation (DOTr) ang Memorandum of Understanding kasama ang Singapore Cooperation Enterprise (SCE) sa pagpapatupad ng Intelligent Transport System (ITS) sa Metro Manila.

Ang nasabing kasunduan ay nilagdaan kamakalawa sa pagitan nina DOTr Secretary Arthur Tugade at SCE Chief Executive Officer Kong Wy Mun, sa harapan nina Singapore’s Ambassador to the Philippines Kok Li Peng, Centre Director for Manila and Second Secretary of International Enterprise Singapore Darren Lee, Metropolitan Manila Development Authority Chairman Danilo Lim, at Transportation Undersecretary for Road Transport Thomas Orbos.

Sa ilalim ng nasabing kasunduan, magbibigay ang SCE ng kaalaman at karanasan nito sa pagpapatupad ng ITS kabilang ang pagrerekomenda ng nararapat na traffic management policies upang makatulong sa pagpapatupad nito; pagsasagawa ng iba’t ibang sistema na makatutulong sa pagkontrol ng trapiko; pagsasaayos sa buhul-buhol na trapiko; abiso sa pagmamaneho; surveillance; at pagresolba sa mga insidente sa kalsada upang masiguro ang epektibo at mabuting pag-uugali sa pangangasiwa sa trapiko sa Maynila.

Pinasalamatan ni Tugade ang gobyerno ng Singapore at ang SCE sa ibinigay na ayuda ng huli upang matulungan ang ating gobyerno na mapaunlad ang paggamit ng ITS sa pagbibigay ng solusyon sa trapiko sa Metro Manila na makatutulong din upang mabawasan ang suliranin sa polusyon.

“The DOTr, as well as this whole country, recognize and welcome innovation and technology. We embrace technology because we know that technology is the path to development and growth in these modern times,” ani Tugade sa kanyang talumpati.

Ipinahayag naman ni SCE Chief Executive Officer Wy Mun ang lubos niyang pagsuporta sa pakikipagkaisa sa gobyerno ng Pilipinas sa pagpapaunlad ng mga polisiya sa trapiko upang matulungan na masolusyonan ang lumalalang trapiko sa Metro Manila.

“SCE is privileged to partner with the Philippines’ Department of Transport to offer Singapore’s experience and solutions in the areas of traffic management policies and systems,” ani Wy Mun.

Pagtutuunan ng ITS ang komprehensibong pagtugon sa pagsasaayos ng mga polisiya, pagbabago sa regulasyon, pagbubuo ng kapasidad, pagsasagawa ng naaayon sa mga inhinyero, kabilang ang pagbubuo sa centralized traffic at incident management system upang mapabuti ang operasyon nito at mapaginhawa ang kondisyon ng trapiko.