Nina KATE LOUISE JAVIER at ROMMEL P. TABBAD
Isang teenager na naiulat na dumanas ng matinding depresyon ang natagpuan ng kanyang pamilya sa morgue sa Caloocan City, sampung araw matapos siyang i-report na nawawala.
Ayon sa awtoridad, nakilala si Carlo Angelo Arnaiz, 19, college drop-out sa University of the Philippines, nang tawagan ng punerarya ang pamilya nito nang makita ang post, kasama ang kanyang mga larawan, sa social media na humihingi ng tulong sa paghahanap.
Napatay si Arnaiz sa engkuwentro sa mga pulis matapos umano niyang holdapin ang isang taxi driver sa kahabaan ng C-3 Road, Barangay 28, Caloocan City noong Agosto 18.
Sa loob ng ilang araw, hindi tukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at dinala ito sa isang punerarya sa Caloocan City.
Sa police report, na may petsang Agosto 30, pinara ni Arnaiz ang isang taxi sa Navotas City, dakong 3:20 ng madaling araw. At nang makarating ang taxi sa C-3 Road, hinampas umano ni Arnaiz ang ulo ng driver, si Tomas Bagcal, gamit ang caliber .38 pistol, at kinuha ang kanyang wallet.
Nagawa umanong magpasaklolo ni Bagcal sa mga rumurondang pulis ng Police Community Precinct 2.
Nilapitan ng mga pulis si Arnaiz ngunit bumunot umano ito ng baril at pinaputukan ang awtoridad na napilitang gumanti na naging sanhi ng pagkamatay ni Arnaiz.
NAGPASAKLOLO SA PAO
Humingi ng tulong sa Public Attorney’s Office (PAO) ang magulang ni Arnaiz.
Kasabay nito, iginiit ng mga magulang ni Arnaiz na may depresyon man ang kanilang anak, wala raw umano itong kakayahang mang-agaw ng baril, mangholdap, at makipagbarilan sa mga pulis.
Inakusahan din umano si Arnaiz ng Caloocan City Police na gumagamit ng ilegal na droga nang may natagpuan umanong hinihinalang shabu at dalawang pakete ng marijuana sa bulsa nito.
Nagtataka rin ang mga magulang ng binata kung paano ito nakarating sa Caloocan gayung taga-Cainta, Rizal sila.
Anila, Agosto 17 nang huli nilang nakita ang anak na may bibilhin lang, kasama ang 14-anyos na si Reynaldo de Guzman, na nawawala hanggang ngayon.