Ni Argyll Cyrus B. Geducos

Hinarap kahapon ni Pangulong Duterte ang mga magulang ng napatay na 17-anyos na si Kian Loyd Delos Santos sa Malacañang sa Maynila.

Ayon sa Malacañang, nagkaroon umano ng close-in meeting, sa kagustuhan ng mga magulang ni Kian, si Duterte kasama sina Saldy at Lorenza delos Santos bandang 1:00 ng hapon kahapon.

Kabilang din sa nasabing pagpupulong sina Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, Public Attorney’s Office (PAO) Chief Percida Acosta, at Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) Chairman Dante Jimenez.

Sinabi ng Palasyo na nagpasalamat ang mag-asawa sa pagbibigay katiyakan ng Presidente na mabibigyan ng hustisya ang binatilyo.

'We will comply!' SILG Remulla, kikilos na sa pag-aresto kay Sen. Bato

Tiniyak din ng Pangulo sa mag-asawa na maipatutupad ang due process at magiging patas ang paglilitis sa kaso.

Ayon kay Aguirre, tumagal ng halos dalawang oras ang pulong na nagtapos nang maayos at lahat umano ng ikinababahala ng mga magulang ni Kian, kabilang ang seguridad, ay tinalakay ng Presidente.

Humingi rin umano ng tulong pinansiyal ang mga magulang ni Kian sa Pangulo upang matulungan sila na makapagsimula ng negosyo dahil P18,000 lamang umano ang kinikita ni Lorenza bilang domestic helper sa Saudi Arabia.

Dagdag ni Aguirre, ipinaliwanag din ng Pangulo kung bakit hindi ito dumalo sa lamay ng binatilyo dahil magsisilbi umano itong pag-amin sa kamalian ng mga pulis gayong patuloy pa rin ang imbestigasyon sa insidente.