Naghahanda na ang Philippine Sports Commission (PSC) sa pakikipagtulungan ng Bases Conversion Development Authority (BCDA) para sa nakatakdang hosting ng bansa ng South East Asian (SEA) Games sa taong 2019.

Isang mahigit 50-ektaryang Sports City na nagtataglay ng mga world class sports facilities ang nakatakdang itayo para sa 2019 regional games sa New Clark City.

Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Alan Peter Cayetano na nauna nang itinalaga bilang chairman ng SEA Games Organizing Committee na inaasahan ang katuparan ng lahat ng ito sa susunod na dalawa at kalahating taon lalo na’t ang Clark sa Pampanga ay nasa priority list ng administrasyon ng Pangulong Rodrigo Duterte pagdating sa target na pag-unlad ng bansa.

Pabor din aniya si Cayetano sa pagdaraos ng mga laro sa Clark at Subic dahil nakikita ang mga ito na magiging mga “special cities.”

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nakikita rin ang hosting ng bansa ng SEA Games na isang oportunidad para maipakita sa buong mundo ang pag-unlad na nagaganap sa bansa sa ilalim ng “Golden Age of Infrastructure” ng kasalukuyang administrasyon.

Ito ang ika-apat na pagkakataong magiging host ang bansa ng 11-nation multi-sports meet. Nauna nang naging host ang Pilipinas ng SEA Games noong 1981, 1991, at 2005. - PNA