Inatasan kahapon ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Allan Peter Cayetano si Philippine Embassy Charge d Affaires Emmanuel Fernandez na agad magtungo sa Barcelona, Spain upang matiyak mahahatiran ng kaukulang ayuda ang mag-inang Pilipino na nadamay sa naganap na terrorist attack nitong Huwebes.

Ayon sa DFA, malubhang nasugatan at inoobserbahan sa isang pagamutan ang 43-anyos na ginang habang patuloy na pinaghahanap ng awtoridad ang kanyang 7-anyos na anak na lalaki na napahiwalay sa kanya sa kasagsagan ng pag-atake.

Nakatira sa Australia ang mag-ina matapos makapag-asawa ang ginang ng isang Briton na nakabase sa naturang bansa. Bumiyahe na ang mister ng ginang patungong Barcelona upang hanapin ang nawawala nilang anak.

Nagtungo sa Barcelona ang mag-ina para dumalo sa kasal ng kanyang pinsan, na mula sa Pilipinas, nang mangyari ang insidente.

National

5.0-magnitude na lindol, yumanig sa Eastern Samar

Nabisita na rin ni Honorary Consul Jordi Puig Roches ang ginang sa pagamutan makaraang matanggap ang ulat sa awtoridad.

Nakikipag-ugnayan na rin umano ang DFA sa mga kamag-anak ng ginang dito sa Pilipinas.

Unang kinumpirma ng Embahada ng Pilipinas sa Madrid ang pagkakasugat ng isang pamilyang Filipino-Irish, na bumisita lamang sa pamosong tourist spot sa Barcelona, sa pag-araro ng puting van na ikinasawi ng 14 na katao at ikinasugat ng mahigit 100.

Kaugnay nito, patuloy na inoobserbahan ang kondisyon ng mag-amang Pilipino at iniulat na matagumpay ang operasyon ng 5-anyos na anak na lalaki na nagtamo ng sugat sa hita.

Samantala, ipinagdasal ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga biktima ng pag-atake sa Barcelona.

“May God grant eternal rest to the victims and comfort with His mercy those who are suffering,” sabi sa panayam ni Balanga Bishop Ruperto Santos, chairman ng CBCP Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People.

Isinama rin ni Santos sa kanyang panalangin ang Pinoy na nasugatan sa insidente.

Sinabi ng CBCP ECMI head na ang ginawa ng ISIS ay “purely evil.”

“There is nothing good in ISIS. It is purely evil, which sows only death and destruction,”pahayag ni Santos.

“What they have is false ideology. There is no honor in killing. And the name of God should never be use in vain,” dagdag niya.

Aniya, kinakailangang magkaisa ng mundo laban sa terorismo at kondenahin ang mga taong nasa likod nito.

“We pray that the world will remain united against them, against terrorism and condemn those who resort to violence and bring them to justice,” ayon kay Santos. - Bella Gamotea at Leslie Ann G. Aquino