Ni REGGEE BONOAN
PAPUNTA sana kami sa despedida dinner ng kaanak sa Bonifacio Global City nitong Biyernes ng gabi pero dahil sa malakas na ulan na lumikha ng sobrang trapik ay na-stuck kami sa Quezon City. Kaya sa halip na sayangin ang oras sa trapik ay sa Trinoma Mall na lang kami dumiretso. Inalam namin kung anu-anong mga pelikulang kasama sa Pista ng Pelikulang Pilipino ang pinapasok ng mga nanonood o nangunguna sa takilya, pati na rin siyempre ang mamamaalam na dahil walang nanonood, bukod pa sa reaksiyon ng moviegoers sa napanood na nila.
Papasok pa lang kami sa cinema complex area nang masalubong namin ang isang batang may hawak na placard na may nakasulat na ‘free hugs’. Marami ang bumabati at natutuwa sa kanya. Nakita naming kasama pala niya ay si Candy Pangilinan. Nag-cinema tour ang buong cast ng Star na si Van Damme Stalonne.Inalam namin sa takilyera kung kumusta ang tickets selling ng Star na si Van Damme Stallone.
“Pumi-pick-up naman po, nakita kanina sina Candy kaya maraming nanood, okay naman daw,” sagot sa amin.
Hindi pa namin napanood ang pelikula ng nagpanalo ng Best Actress kay Candy sa Cine Filipino Festival 2016 pero nangako kami sa kanya na papanoorin namin ito dahil hindi pa naman ito tinatanggal sa mga sinehan.
Labindalawang pelikula ang kasali sa Pista ng Pelikulang Pilipino at may mga sinehan nang nagtanggal ng lima na mangilan-ngilan lang ang nanonood pero hindi na namin babanggitin kung anu-anong pelikula ang mga ito.
Natatawa naman kami sa feedback na narinig namin sa Ang Manananggal sa Unit 23B nina Ryza Cenon at Martin del Rosario na palabas sa Cinema 2 ng nasabing mall dahil payag na raw ang kalalakihan na magkaroon ng ‘manananggal’ na girlfriend kung kasing ganda’t sexy at mahilig ng ginagampanan ng dalaga.
“Okay na akong manananggal ang girlfriend ko, kasi tiyak hindi naman ako papatayin nu’n, tulad ni Martin, mahal niya kaya hindi siya pinatay,” sabi ng grupo ng kabataang lalaki.
May nag-comment din ng, “kung gano’n kahilig and dyowa mo, papatusin ko na.”
Ang masturbation scene ang mainit na pinag-uusapan sa Ang Mananaggal sa Unit 23B dahil maganda kahit mapangahas ang pagkaka-execute ni Direk Prime Cruz.
Parang si Ryza Cenon lang ang kayang gumawa nu’n. Dala na rin siguro ng pangangailangang umingay muli ang pangalan niya sa showbiz. Dahil ang ibang sikat na aktres ay tiyak na hindi papayag na gawin ang ginawa ni Ryza.
As of Thursday (2nd day) ay nasa 4th place na ang Ang Manananggal at pukpukan sila ng Star na si Van Damme Stallone.
Nanatiling number one sa palakihan ng kita ang 100 Tula Para Kay Stella kaya nakasisiguro kami na kahit tapos na ang Pista ng Pelikulang Pilipino ay mapapanood pa rin ito sa lahat ng mga sinehan.
Nasa ikalawang puwesto ang Patay Na si Hesus; ikatlo ang Bar Boys; ikalima ang Awol, ikaanim ang Salvage, ikapito ang Birdshot, ikawalo ang Hamog, ikasiyam ang Triptiko, pangsampu ang Pauwi Na; at huli ang Paglipay.