Ni: Bella Gamotea

Patay ang isang building maintenance worker nang aksidenteng maipit sa kinukumpuning service elevator sa isang condominium unit sa Parañaque City kamakalawa.

Tuluyang binawian ng buhay si Henry Villafranca y Escalante, 53, ng Block D-11, Lot 3, Barangay San Andres 2, Dasmariñas, Cavite, dahil sa matinding bali sa tadyang at mga sugat sa katawan matapos maipit sa elevator.

Sa ulat na ipinarating kay Supt. Jenny Tecson, hepe ng Public Information Office ng Southern Police District, natagpuan ng isang Mario Lopez ang walang malay na biktima na naka-stuck sa kaliwang bahagi ng car elevator sa loob ng condominium unit sa Bgy. Don Galo, Parañaque City, dakong 10:15 ng gabi nitong Biyernes.

Ayon kay Arturo Abriza, bayaw ng biktima, nasa ibabaw ng elevator si Villafranca nang ma-out of balance at nahulog.

PBBM, pinasilip anniversary dinner nila ni FL Liza

Una rito, na-stuck-up ang naturang elevator sa pagitan ng ground floor at basement kaya inakyat at tiningnan ng biktima sa ibabaw ng car elevator upang kumpunihin, dakong 8:30 ng gabi.

Sa kabila ng paggamit ng metal cutter, nahirapan ang mga tauhan ng Parañaque Rescue team, sa pangunguna ni Mike Allan Teodoro, na alisin mula sa pagkakaipit ang biktima.

Sabado na, dakong 5:30 ng madaling araw, nang maialis sa elevator ang bangkay ni Villafranca.

Nakikipag-ugnayan na ang pamilya ng biktima sa pamunuan ng condominium unit.