Ni REGGEE BONOAN
PAGKATAPOS ng special preview ng napakagandang unang episode ng Little Big Shots (LBS) Philippines, ang bagong reality show ng ABS-CBN na mapapanood na simula sa Sabado, Agosto 12 at Linggo, Agosto 13, tinanong sa Q and A si Billy Crawford kung paano siya napili bilang host nito.
“Actually po, hindi ko po inisip kung makukuha ko ang (hosting job). To be honest, I’ve just found out about the show recently lang from the States, ‘yung kay Steve Harvey.
“Sa totoo lang, hindi ko po alam kung bakit napunta sa akin, the best thing I can say is, I’m really thankful. For me, it’s not a competition sa host kasi hindi po ‘yung host ang pinakaimportante po rito, ang title ay Little Big Shots, ang mga bida po rito ay ang mga kabataan.
“It was a challenging role for me to play kasi I wouldn’t expect... like si Steve Harvey or the other hosts sa ibang bansa, mga parents na po sila, eh. So ‘yun po ‘yung nagpanerbiyos sa akin kasi wala pa akong anak. Mahilig ako sa mga bata, obviously, fiancée ko is 10 years younger, pero mahilig po akong makipaglaro sa mga bata and I don’t know. I guess, talagang bigay na ni Lord ito sa akin and I really couldn’t ask for more and I’m so, so happy to have this job,” paliwanag ni Billy Boy.
Sinulat namin kamakailan na dalawa silang nag-audition ni Ogie Alcasid, pero ang fiance nga ni Coleen Garcia ang napili ng Warner Bros, ang franchise owner ng LBS.
“Hindi ko po alam, kasi pareho po kaming nag-audition pero hindi ko nakita, I think one day ahead si Kuya Ogie sa akin. Sinabi lang ni Sir Lui (Andrada) ‘yung sa akin na ako nga raw ang napili.
“To be honest, hindi ko alam na sabay kaming nag-audition kasi sabi lang sa akin ni Sir Lui, ‘Mag-audition ka, may bagong programa ganito-ganyan.’ Wala talaga akong alam kasi binigyan lang ako ng spiels bahala na ako kung anong gagawin ko sa mga bata.
“At si Kuya Ogie, wala akong masabi kasi nu’ng in-announce na nila sa akin na napunta sa akin ‘yung programa, ang unang nag-text sa akin, si Kuya Ogie.
“Sabi niya, ‘Bro, I’m happy for you, I’m proud of you, I will always be right here behind you anytime you need me.’
Kasi si Kuya Ogie, simula bata pa naman ako kilala ko na si Kuya Ogie, it’s nothing about competition talaga. ‘Yun nga, I’m still shock na napunta nga sa akin, pero wala akong masabi kay Kuya Ogie,” maayos na paliwanag ng TV host/actor.
Ayon kay Billy, tatlong bata at mga staff ng LBS Philippines ang kasama niya sa audition at walang management from abroad pero binidyuhan at iyon ang ipinadala sa Warner Bros.
“It’s an audition, whether you get it or you don’t,” say ng TV host/actor. “Regardless kung ano ‘yun, I just tried my best, I just tried to do it all.”
Kailangan pa bang kabahan si Billy, e, dito lang naman sa Pilipinas ginawa ang audition?
“Huwag nating ilalang ang Pilipinas, tayo ang pinaka-judgmental, tayo ang pinakamataray pagdating sa comments or what. We have something to say na mga Pinoy, so kaya ako nanerbiyos.
“But I was nervous actually dealing with kids kasi ‘yung Face Kids (Your Face Sounds Familiar) mga propesyunal na bata o singers o performers, 90% they’re all have their own albums or winners. Itong mga batang ito (sa LBS) were strangers to me, so kailangan ko silang kilalanin, that was the hardest part, doon ako ninerbyos, kasi paano ako makakakonek sa mga bata.”
Kaya labis-labis ang pasasalamat ni Billy sa buong team ng Little Big Shots na mahuhusay mag-research tungkol sa kids at inalalayan siya sa tapings na nagsisimula ng 8 AM at natatapos ng 7 PM.
Umeere na sa 15 countries ang LBS at hindi ito pakontes bagamat may kaunting benepisyo namang ipinagkakaloob sa mga bata ayon sa business unit head ng programa na si Lui Andrada.
“Of course we will give them something at habang naghahanap kami ng talented kids at kausap namin ang mga magulang, iisa lang naman talaga ang sinasabi nila, ‘we want to make our family proud,’ ‘we want our parents to be proud of us,’ so ‘yun lang, sapat na sa kanila.
“At ang maganda kasi rito, ‘yung entire franchise niya sa buong mundo kapag nagustuhan sila, papupuntahin sila sa ibang bansa.
“Like for example si Ella Nympha (The Voice Kids), di ba, nagustuhan siya sa Amerika? Now, si Ella pupunta na ng Israel at Spain. ‘Yung tineyp naming episodes (ng Little Big Shots), mayroon na ro’n tatlong napili kasi nu’ng nagti-taping kami, nandito ‘yung consultant ng Warner (Bros), nag-identify na siya na ‘we want this kids for US’, so ganu’n,” paliwanag ng bossing ng programa.
“It’s not the monetary thing, kundi ‘yung maging proud ang parents ng mga bata,” dagdag pa ni Lui.
Samantala, napangiti, napahalakhak, napabilib, napaluha at napa-wow ang entertainment press sa napanood naming pilot episode ng Little Big Shots dahil sadya namang napakahuhusay ng mga batang gifted na nagpakitang-gilas sa tulong ni Billy.
Una naming napanood si Alyssa, 9 years old na pole dancer na natutuhan niya sa edad na apat. Napangiti kami dahil sa murang edad ay alam na niya ang gusto niyang gawin sa buhay at posibleng maging propesyon pa niya ito pagdating ng araw.
Napahalakhak naman ang lahat ng tatlong taong gulang na si Rodzen na supercute at bibo at nakasuot pa ng diaper dahil sa kakulitan. Crush na crush niya ang batang aktres na si Zia Vigor na umapir sa show at riot ang encounter nila.
Nakakaaliw ang pagiging inosente ni Rodzen na kapag kinakausap ni Billy at marinig ang awiting One Call Away ni Charlie Puth ay hindi mapigilang makisabay pati na ang pagsasayaw ng Ang Kulit na unang sinayaw ni Onyok.
Napabilib naman ang lahat kay Janice na sa edad na limang taon ay marunong nang magtanggal ng tinik ng isda.
Nagsimula siya sa edad na tatlo gamit ang sariling kutsilyo at chopping board.
Naging emosyonal at napaluha naman kami sa kuwento ni JM Javier, 9 years old, miyembro na ng FMD Junior hip-hop dance group, at lumaki sa tiyahin na pinagkatiwalaan ng kanyang magulang.
Dala siguro ng kalungkutan ay naghanap ang bata ng makakapagpasaya sa kanya at nakilala niya ang FMD Junior na nagturo sa kanya ng dance moves. Walang takot sa mga pag-tumbling ang pinakabatang miyembro ng grupo.
Ang huling ipinapanood sa amin ay si Zidane Klyde Rosario Torregoza, 3 years old at naka-diaper din pero marunong nang magbasa. Talagang napa-wow ang lahat dahil sa murang edad ay saulado na niya ang geography ng buong mundo. Lahat ng bandila ng bawat bansa ay alam na ni Klyde.
Lima pa lang ‘yung napanood namin, huh, paano pa ‘yung mga susunod na episodes?