KAABANG-ABANG ang natatanging pagganap ni Alden Richards dahil bibigyang-buhay niya ang kuwento ng Palanca awardee na si Bonifacio “Boni” Ilagan para sa espesyal na documentary ng GMA News and Public Affairs tungkol sa Martial Law.
Kasabay ng ika-45 anibersaryo ng pagdeklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ng Martial Law, susundan ng dokumentaryo ang karanasan ni Boni nang panahong iyon — mula nang idineklara ang Batas Militar hanggang sa pagkakahuli at paghihirap sa kanya ng Philippine Constabulary.
Sasariwain ni Boni ang nakaraan sa pamamagitan ng isang short film na siya mismo ang nag-akda. Sa direksiyon ni Adolf Alix, Jr., si Alden ang gaganap bilang Boni.
Ipapakita sa documentary ang paglikha ng nasabing short film kasama na ang behind the scenes clips at interviews mula sa mga personalidad na nakaranas din ng kalupitan ng Batas Militar. Ipapakita rin kung paano unti-unting malalaman ng self-professed millennial na si Alden ang mga aral sa nakaraan ni Boni — isang alaala ng kahapong hindi dapat maibaon sa limot ninuman.
Abangan ang special na documentary na ito sa GMA-7.