Ni: Fer Taboy
Tatanggap ng special award si Chief Inspector Jovie Espenido mula sa Philippine National Police (PNP) sa matagumpay nitong pagpapatupad ng kampanya kontra droga.
Ito ay kasunod ng pagsalakay ng grupo ni Espenido sa compound ni Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog, Sr., na ikinasawi ng alkalde at ng 15 iba pa.
Inihayag ito kahapon ni PNP chief Director General Ronald dela Rosa sa Camp Crame, at sinabing tatanggap ng special award si Espenido sa Police Service Anniversary bukas, Agosto 9.
Nilinaw naman ni Dela Rosa na ang parangal na tatanggapin ni Espenido ay hindi tungkol sa madugong raid sa bahay ng mga Parojinog.
Ayon kay Dela Rosa, napili si Espenido para gawaran ng special award dahil sa kontribusyon nito sa pamahalaan kaugnay ng ipinatutupad na kampanya kontra droga bilang hepe ng Ozamiz City Police, at noong ito pa ang hepe ng pulisya sa Albuera, Leyte.
Kalilipat lang ni Espenido sa Ozamiz City Police kasunod ng pagkakapaslang kay Albuera Mayor Rolando Espinosa sa loob ng piitan sa Baybay City, Leyte.
Nilinaw din ni Dela Rosa na walang plano ang PNP na ilipat si Espenido sa ibang himpilan ng pulisya matapos ang madugong Ozamiz raid.