Sa selda ang bagsak ng pizza delivery boy na nabuking sa pagdi-deliver ng droga sa Pasig City kamakalawa.

Kinilala ni Eastern Police District (EPD) Director Police Chief Supt. Romulo Sapitula ang suspek na si Reynaldo Mercado, 33, delivery staff sa isang pizza parlor at residente ng 84 Duhat Street, Aurora Boulevard, Kalayaan, Angono, Rizal.

Ayon kay Police Supt. Orlando Yebra, Jr., hepe ng Pasig City Police, inaresto ng mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit, sa pangunguna ni Police Senior Insp. Medel Rafuson, ang suspek sa buy-bust operation sa Barangay Maybunga, bandang 4:45 ng hapon.

Nakauniporme at dala ang motorsiklo ng kanyang pinagtatrabahuhan, pinosasan si Mercado matapos i-deliver sa mga pulis ang P7,000 halaga ng umano’y shabu.

National

Hiling ni Quiboloy na ilipat sa kustodiya ng AFP, ibinasura ng korte

Una rito, nakatanggap ng impormasyon ang awtoridad hinggil sa pagbebenta ng ilegal na droga ng isang alyas Noel, na napag-alaman na tiyuhin ni Mercado.

Agad kinontak ng mga pulis si Noel at nang magkasundo ay ipina-deliver sa suspek ang shabu na naging sanhi ng kanyang pagkakaaresto.

Inamin ni Mercado na pitong beses siyang nakakapag-deliver ng droga sa loob ng isang araw, ayon na rin sa utos ng kanyang tiyuhin na nagbibigay sa kanya ng komisyon.

Nakumpiska mula sa suspek ang 10 pakete ng umano’y shabu, na tinatayang nagkakahalaga ng P300,000, at P7,000 buy-bust money.

Nakatakdang sampahan si Mercado ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. - Mary Ann Santiago