NI: Mary Ann Santiago
Inilunsad kahapon ng Department of Education (DepEd) ang proyektong “EskweLA BAN sa Sigarilyo” bilang pagtalima sa Executive Order (EO) No. 26 o nationwide smoking ban.
Sa launching ng proyekto sa punong tanggapan ng DepEd sa Pasig City, sinabi ni Undersecretary for legal affairs Alberto Muyot na nais nilang istriktong ipatupad ang pagbabawal sa pagbebenta ng sigarilyo at iba pang produktong gawa sa tabako, sa paligid ng mga eskuwelahan.
Layunin rin ng proyekto na madagdagan ang kaalaman ng publiko, lalo na ng mga estudyante, hinggil sa DepEd Order No. 48, Series of 2016 o ang Police and Guidelines on Comprehensive Tobacco Control, na mahigpit na ipinagbabawal ang paninigarilyo sa loob at paligid ng eskwelahan, pagtitinda ng sigarilyo sa paligid ng eskwelahan hanggang 100 metro, at pagkuha ng sponsorship sa mga kumpanya ng tabako sa anumang programa ng eskuwelahan.
Ang tindahan o indibidwal na mahuhuling nagbebenta ng sigarilyo ay maaaring tanggalan ng lisensiya ng lokal na pamahalaan at makakasuhan.