Ni FER TABOY, May ulat ni Aaron B. Recuenco

Pitong nabubulok at pugot na bangkay na sinasabing binihag ng Abu Sayyat Group (ASG) ang natagpuan sa magkahiwalay na bayan sa Basilan.

Sa ulat ni Chief Insp. John Cundo, hepe ng Maluso Municipal Police, kinilala ang mga biktimang sina Nestor Divinagracia, 50; anak na si Illy Divinagracia, 25; Berto Lacastesantos, 48; Hernando Sally, 53; Renato Casiple, Jr., 36; Rene Sanson, 28; at Mamerto Falcasantos, 55 anyos.

Kinilala ang mga biktima ng kani-kanilang kaanak base sa suot nilang damit.

Probinsya

Lalaking kusa umanong tumalon sa kulungan ng buwaya, sinakmal!

Ayon kay Chief Insp. Cundo, unang narekober ang bangkay ng mag-amang Divinagracia sa bahagi ng Campo Barn sa Lantawan.

Ang mag-ama, na nagsisilbing power saw operators sa lugar, ay dinukot ng Abu Sayyaf nitong Hulyo 20 matapos sunugin ang bahay at motorsiklo ng mga ito sa Barangay Lower Mahayahay sa Maluso.

Pinaniniwalaang sa kaparehong araw din dinukot ang lima pang logger sa Lantawan.

Sinabi ni Chief Insp. Cundo na lahat ng bangkay ay pinugutan, at ilan sa mga ito ay hiwa-hiwalay din ang mga bahagi ng katawan, habang dalawa ang hindi pa natatagpuan ang mga ulo.

Naaagnas na rin umano ang mga bangkay, na ang ilan ay halos kalansay na, ayon kay Chief Insp. Cundo.

Kinilala naman ni Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, director ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) regional police, ang mga suspek na sina Pasil Bayali at Otoh Dobol ng Abu Sayyaf.

“The two identified suspects were actually subcommanders of Furuji Indama,” sabi ni Chief Insp. Tara Leah Cuyco, ARMM regional police information officer.

“Accordingly, Furuji directed these to get all those chainsaw owners because his (Furuji) own rubber plantation was destroyed,” dagdag pa ni Cuyco.

Si Indama ang pinakamataas na pinuno ng Abu Sayyaf sa Basilan, at sangkot sa ilang insidente ng pamumugot.

Sinabi ni Cuyco na naniniwala si Indama na ang pitong logger ang dahilan sa pagkapinsala ng plantasyon nito.