Ni FER TABOY
Pinalaya na ng New People’s Army (NPA) nitong Biyernes ang pulis na dinukot nito mahigit dalawang linggo na ang nakalipas, sa Davao Oriental.

Kinilala ng Baganga Municipal Police ang pinalayang bihag na si PO1 Alfredo Basabica, Jr., 26 anyos, kasapi ng Provincial Public Safety ng Davao Oriental Police Provincial Office (DOPPO).
Dakong 3:00 ng hapon nang palayain si Basabica ng NPA sa Barangay Binondo, Baganga, Davao Oriental.
Batay sa record ng pulisya, Hulyo 11 nang dukutin si Basabica sa isang checkpoint ng NPA sa Brgy. Panansalan, Compostela Valley.
Inaasahang makatutulong ang pagpapalaya kay Basabica sa posibilidad na matuloy pa rin ang usapang pangkapayapaan ng gobyerno sa NPA.
Matatandaang kinansela ni Pangulong Duterte ang negosasyon ng pamahalaan sa mga rebeldeng komunista dahil sa sunud-sunod na pag-atake ng NPA sa militar at pulisya, kabilang na ang convoy ng Presidential Security Group kamakailan.
Inihayag din ng Pangulo na pagkatapos na malipol ng militar at pulisya ang Maute Group sa Marawi ay susunod namang lilipulin ng gobyerno ang mga kasapi ng NPA.