Ni: PNA

INIULAT ng Department of Health nitong Miyerkules ang kabuuang bilang ng bagong kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) sa Pilipinas na naitala noong Mayo. Umabot ito sa mahigit 1,000, at ang mayorya, o 37 porsiyento o 404 na katao, ay mula sa National Capital Region (NCR).

Batay sa May 2017 HIV and AIDS Registry of the Philippines (HARP), mayroong 1,098 bagong kaso ng HIV na naitala noong Mayo.

“This is the highest recorded cases ever since 1984,” ayon sa Department of Health report.

Hinigitan nito ang 968 kaso ng HIV na naitala noong Marso.

Mas mataas ito ng 48 porsiyento sa naitala noong Mayo ng nakaraang taon, na mayroong 741 kaso.

Sa mga bagong talang kaso ng HIV, may kabuuang 140 ang tuluyang nauwi sa acquired immunodeficiency syndrome (AIDS).

Ayon din sa report, nakapagtala ng 15 pagkamatay sa HIV/AIDS noong Mayo.

Nananatiling ang pakikipagtalik ang pangunahing dahilan ng pagkakahawa, na mayroong 1,068.

Halos lahat sa populasyon ay dahil sa pakikipagtalik ng lalaki sa kapwa niya lalaki, na may kabuuang 1,041 kaso o 95 porsiyento.

Higit sa kalahati nito ay may edad 25-34, habang ang 30 porsiyento ay kabataang edad 15 hanggang 24.

Dalawampu’t pito sa mga kaso ay sanhi naman ng pagkakaturok ng gamot.

Ang tatlong kaso ay mother-to-child transmission o nahawahan ng ina ang kanyang sanggol.

Samantala, walong buntis ang apektado ng virus, at tatlo sa mga ito ay mula sa Metro Manila, dalawa mula sa Region 3 at tig-isa naman sa Regions 4A, 7 at 9.

Sa unang limang buwan ng kasalukuyang panahon, nakapagtala na ang Department of Health ng 4,388 bagong kaso ng HIV, kabilang ang 516 na kaso ng AIDS, at 187 pagkamatay.

Simula 1984, ang kabuuang bilang ng kaso ng HIV ay nasa 44,010 na, kabilang ang 4,181 AIDS, at 2,156 na pagkamatay.