Ni Edwin Rollon

‘El Presidente’, binira ang POC at ‘pampapogi’ ni Peping.

KAPAKANAN ng bayan o pansariling panghahangad sa kapangyarihan ang tunay na intensyon sa pagnanais ni Philippine Olympic Committee (POC) president Jose ‘Peping’ Cojuangco na maituloy ang hosting ng Southeast Asian Games sa 2019?

Para kay Philippine Sports Commission (PSC) commissioner Ramon ‘El Presidente’ Fernandez, marubdob ang hangarin ni Cojuangco na maituloy ang 2019 hosting dahil sa pagnanais ng four-time POC Chief na makuha ang pagkapangulo ng SEA Games Council.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“He wants to push thru with the 2019 hosting because he is after the leadership and presidency of the SEA Games Council,” pahayag ni Fernandez sa kanyang Facebook Maxi Green account.

Bukas na libro ang iringan sa pagitan nina Fernandez at Cojuangco na nauwi sa demandahan (libel) nang paratangan ng 84-anyos na dating House Speaker na nagbebenta ng laro ang four-time MVP nang kapanuhan niya sa PBA.

Matatandaang ipinahayag ng PSC, sa pamamagitan ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez, na matapos maidulog ang senaryo at gastusin ng SEAG hosting kay Executive Secretary Salvador Medialdea, na iniaatras ng pamahalaan ang suporta para sa hosting upang maituon ang programa, resources at pondo sa rehabilitasyon ng nawasak na Marawi City na magpahanggang sa kasalukuyan ay balot ng kaguluhan bunsod nang rebelyon.

Tila hindi kumbinsido rito si Cojuangco.

Nitong Miyerkules, nakumbinsi ni Cojuangco ang General Assembly sa isinagawang pagpupulong ng POC na umapela kay Pangulong Duterte para suportahan ang SEAG hosting na sinalo ng bansa matapos umatras ang oil-rich Brunei.

Nagkakaisa ang 48-member POC na malaki ang maitutulong ng SEAG hosting sa pagpapaganda ng imahe ng bansa, gayundin sa kabuhayan dahil sa inaasahang pagtaas ng turismo.

Inatasan ni Cojuangco si POC secretary-general Steve Hontiveros na makipag-ugnayan sa mga opisyal na malapit sa Malacanang para pormal na idulog sa Pangulong Duterte ang kanilang apela at maipaliwanag ang buting maidudulot ng hosting.

Kung pagbabasehan ang ‘clout’, tinukoy ni Fernandez ang tatlong indibidwal na gagamitin ni Cojuangco para makausap si Duterte. Tinukoy niya sina dating PSC Chairman Richie Garcia na kamag-anak ni Senador Migs Zubiri, DFA Secretary Alan Peter Cayetano, ‘Godfather’ ng Larong Volleyball ng Pilipinas, Inc ni Tatz Suzara at dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, kaeskwela ni gymnastics chief Cynthia Carrion.

“Ma-bypass kaya nila ang PSC Chairman and the Executive Secretary?,” pahayag ni Fernandez.

“If so and they proceed with the hosting without asking money from the government, then good luck!” aniya.

Matatandaang gumastos ng P600 milyon ang pamahalaan para sa rehabilitasyon ng mga venue at gastusin ng Philsoc (Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee) na pinamumunuan ni Cojuangco noong 2005 hosting.

Batay sa record ng Commission on Audit (COA), nabigong ma-liquidate ni Cojuangco ang P27 milyon sa naturang pondo.

Sinampahan naman ng kaso si dating Bacolod City Mayor Monico Puentevella, chairman ng BASOC, sa ombudsman dahil sa kwestyunableng P37 milyon na pondo bilang satellite venue ng SEA Games.

Iginiit naman ni Cojuangco na hindi gagastos ng malaki ang pamahalaan sa pagkakataong ito dahil sa planong pagsasagawa ng Olympic at asian Games sports lamang, gayundin ang pakikipag-ugnayan sa LGUS’s para sa available venues sa Kamaynilaan.

“We are looking at holding only Olympic sports and Asian Games sports,” pahayag ni Cojuangco.