Ni: Marivic Awitan
Mga Laro Ngayon
(Fil -Oil Flying V Center)
8 n.u. -- Mapua vs EAC (jrs )
10 n.u. -- Arellano vs Lyceum (jrs)
12 n.t. -- Mapua vs EAC (srs)
2 n.h. -- Arellano vs Lyceum (srs)
4 n.h. -- San Beda vs Letran (srs)
6 n.g. -- San Beda vs Letran (jrs)
MAHILA ang winning run para mapanatili ang pangingibabaw ang tatangkain ng Lyceum of the Philippines University sa pagsagupa kontra Arellano University ngayon sa pagpapatuloy ng NCAA Season 93 basketball tournament sa Fil Oil Flying V Center sa San Juan.
Makakatunggali ng Pirates, kasalukuyang nangunguna tangan ang 3-0 karta, ang Chiefs na umukupa naman ng ikatlong puwesto hawak ang markang 2-1 sa ikalawang seniors game ganap na 2:00 ng hapon.
Mauuna rito, magtutuos sa unang seniors match ang Mapua University at Emilio Aguinaldo College ganap na 12:00 ng tanghali pagkatapos ng unang dalawang juniors matches na magsisimula ng 8:00 ng umaga.
Maghaharap naman sa tampok na laban ang San Beda College at mahigpit nilang karibal na Letran ganap na 4:00 ng Japan bago ang huling laro sa pagitan ng kani -kanilang mga juniors squads ganap na 6:00 ng gabi.
Para kay Pirates coach Topex Robinson, inaasahan na nilang magiging mas mahirap ang mga susunod nilang laro kasunod ng kanilang naitalang ikalawang panalo kontra pre-season favorite at defending champion Red Lions.
"After that win against San Beda, alam namin lahat kami na yung binabantayan, lahat gusto kaming talunin, " ani Robinson.
Naniniwala si Robinson na lahat ng koponan ay kailangan nilang paghandaang mabuti dahil lahat ay may kapasidad na mangibabaw sa liga.
Para naman sa Chiefs, malaking pagsubok ang kanilang susuungin kontra Pirates upang maitala ang una nilang back -to-back win kasunod ng tagumpay sa Jose Rizal University sa ikatlo nilang laro.
Kapwa galing sa kabiguan, mag -uunahang makabalik ng winning track ang Cardinals at Generals na ngayo'y kasalo ng St.Benilde, Letran at University of Perpetual sa ilalim ng standings hawak ang barahang 1-2.
Samantala, tatangkain naman ng Red Lions na magamit ang momentum mula sa huling panalong naitala kontra Generals sa pagtutuos nila ng Knights na tiyak namang magkukumahog na makabawi sa kabiguang nalasap sa kamay ng JRU sa nakaraan nilang laro.