Nina JUN FABON at FER TABOY

Aabot sa 6,500 pulis ang magbabantay ngayon sa paligid ng Batasang Pambansa sa Quezon City, kung saan ilalahad ni Pangulong Duterte ang ikalawa niyang State of the Nation Address (SONA).

Sinabi kahapon ni QCPD Director Police Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar na maliban sa kanyang mga tauhan, may mga pulis din mula sa National Capital Region Police (NCRPO) na itatalaga sa Batasan.

Naka-full alert ang buong puwersa ng Philippine National Police (PNP) sa posibleng pag-atake ng New People’s Army (NPA) na isasabay nito sa SONA.

National

De Lima, nag-react sa pahayag ni Espinosa na si Bato nag-utos na idiin siya sa illegal drugs

Ikinasa ang mahigpit na seguridad, kasunod sa serye ng paglusob ng komunistang grupo sa ibat ibang bahagi ng bansa.

Ayon kay NCRPO Chief Oscar Albayalde, mayroon silang ipinatupad na security protocols para sa mga militanteng grupo na magsasagawa ng kilos-protesta sa Batasan.

Sinabi naman ni Eleazar na nakiusap ang PNP sa mga magpoprotesta na bantayan ang kanilang hanay upang hindi mapasok ng mga taong nais na manggulo.

Aminado si Albayalde na nagkakaproblema ang pamahalaan sa usaping pangkapayapaan.

Sinabi ni rin ni Elezar na hatinggabi pa lang ay nakaantabay na ang mga pulis, gayundin ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Bureau of Fire Protection, QC Department of Public and Safety (DPOS) at QC District Traffic Enforcement Unit.

Kabilang sa mga lugar na naka-full alert status ay ang Northern Luzon, Bicol, Kabisayaan at ilang parte ng Mindanao.

Ayon kay Police Senior Insp. Malu Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office Region 5, naka-full alert sa buong rehiyon upang mapigilan ang anumang plano ng rebeldeng grupo sa mismong araw ng SONA.

Sinabi rin ni Albayalde na ikakalat ang mga anti-riot police na hindi armado, ngunit may mga police personnel din naka-standby sakaling may manggulo.

Ang mga miyembro ng PNP Crowd Disperal Management team (CDM) ang magbabantay sa mga raliyista.

Inamin ni Albayalde na maaaring maging mainit ang mga militanteng grupo.

Tinatayang aabot sa 15,000 raliyista ang magtitipon para sa SONA.