Ni DINDO M. BALARES

MAGSASANIB-PUWERSA ang philanthropists na sina Joel Cruz at Ruby Token Lizares, para itanghal ang Awit sa Marawi sa Agosto 15, 5:00 PM, sa AFP Theater, na lilikom ng P3.5M na nais nilang ipagkakaloob sa mga kababayan natin sa Marawi at sa pamilya ng mga sundalong sumabak at patuloy na napapalaban sa bakbakan sa Marawi City.

Tatampukan ang Awit sa Marawi ng singing soldiers sa pangunguna ng 1st Singing Soldier Grand Champion na si Mel Sorillano.

TOKEN JOEL AT MEL copy

Human-Interest

Guro, nakatanggap ng manok, mga rekadong pantinola mula sa pupil

Touching na nakakabilib ang mabilisang desisyon ng chief executive ng Aficionado Germany nang makakuwentuhan namin sa Okada Manila nitong nakaraang Miyerkules (July 19).

Martes (July 18) ng gabi, nanood ng show nina Mel at Token sa Bistro RJ ng Dusit Thani Hotel ang Lord of Scents, na nabagbag ang damdamin sa napanood na video (ginawa ni Mel) na ipinapakita ang kalagayan ng ating mga kababayan at mga sundalo sa Marawi.

Hindi nakatulog si Joel sa kaiisip nang gabing iyon. Kinaumagahan, buo na ang konsepto para sa Awit sa Marawi, at kinagabihan ay nagpatawag siya ng pocket presscon.

Nauna ang inyong lingkod sa Okada kaya sinuwerte akong masolo sina Joel, Token at Mel.

Hindi ito ang unang pagsasanib-puwersa ng Lord of Scents at ng Charity Diva sa pagtulong sa mga kababayan nating kapuspalad. Pareho silang matagumpay na negosyante na nagtataglay ang bagong mindset (taglay din nina Bill Gates, Warren Buffet at Mark Zuckerberg) na hindi sila magiging successful entrepreneur kung wala ang komunidad na kanilang kinabibilangan.

Kaya tuwing may nangangailangan ng tulong, wala nang masyadong usapan, mabilis silang nagkakaintindihan.

Dito sa pagtulong nila sa pamilya ng mga sundalo at mga kababayan natin sa Marawi, malawak ang vision ni Joel Cruz.

“Naiisip ko kasi... di ba, katatapos lang ng Miss Universe sa atin?” simula niya. “Nakita ko kung paano nagtrabaho si Gov. Chavit Singson kasi sumama at tumulong din ako sa kanya no’n. Kahit nga gumastos ng napakalaki, balewala sa

kanya kasi ang intensiyon naman niya, para mas makilala pa ang Pilipinas at makaakit tayo ng mas maraming turista. In the long run, buong bansa naman talaga ang makikinabang. Pero parang nasayang lang ang effort natin kasi nangyari nga itong giyera sa Marawi. Kumonti na talaga ang tourists na dumarating sa atin.

“May plano nga rin sana kaming magpunta sa El Nido sakay ng yacht ko, pero hindi matuluy-tuloy dahil may threat din sa Palawan, di ba? Mahal na mahal ko rin ang El Nido, ‘yan ang isa sa mga ipinagmamalaki nating mga Pilipino. Pero wala na ngang pumupunta roon.

“Kaya sa pamamagitan man lang ng concert na ito, magkaisa tayo para maipakita natin na may magagawa ang lahat para makabawi ang mga kababayan natin sa Marawi na nangangailangan ng tulong nating lahat.”

Siyempre pang masarap tuntunin kung bakit nahubog na ganito ang pag-iisip ng isa sa prime movers ng ating lipunan.

Malaking revelation ang nalaman ng inyong lingkod nang gabing iyon – na siyempre, kailangan kong ibahagi sa lahat.

“’Ito naman yata talaga ang purpose kung bakit ako binigyan ng Diyos ng successful business,” kuwento ng isa sa Forbes’ world billionaires na ‘notable givers’. “Ang mga anak ko, sila ang bunga ng matagal ko nang mga dasal. Kasi, sabi ko kay God, hindi naman maganda na kapag nawala na ako, matitigil na rin ang mga ginagawa kong pagtulong. Kaya lang, paano kung iisa lang at ayaw? Kailangan kong damihan para matiyak ko na may magpapatuloy pa rin talaga.”

Sa kabila ng bundok-bundok na kayamanan, nananatiling may kasimplihan si Joel Cruz. Natuklasan ko ito sa isa pang malaking rebelasyon nang gabing iyon: ang achara na ipinamigay niyang pabaon sa reporters.

“Mamaya ‘pag uwian, may ibibigay akong achara sa inyo, gawa ng Nanay ko,” may himig ng pagmamalaking sabi ng pilantropo. “Alam n’yo ba? Nu’ng college ako, nagtitinda ako n’yan.”

Noon niya natuklasan ang kanyang gift sa salesmanship, kahit mas gusto ng mga magulang niya na maging doktor siya.

(Sa susunod po, ang napakaganda ring kuwento ng singer, businesswoman, concert producer na si Token Lizares.)