Ni: PNA
HINDI lamang ang nakamamanghang yamang-dagat ang nagbibigay ng potensiyal sa Pilipinas bilang pangunahing freediving destination sa Asya, kundi maging ang mamamayan nito.
Ito ang inihayag ng French celebrity freediver na si Guillaume Néry sa pagdalo niya sa Philippine Freediving Expedition press conference sa Cebu City kamakailan, nang magpasalamat siya sa pagkilala sa kanya ng bansa bilang “the face of Philippine freediving.”
Una nang kinumpirma ng Department of Tourism na tutulong si Néry sa kampanya ng kagawaran upang makilala ang bansa bilang Freediving Capital of Asia, sa kanyang papel bilang Philippine Freediving ambassador.
“I’m very proud to be the ambassador for Philippine Freediving because I really believe that the Philippines can become a central place for the development of freediving not only in Asia but all over the world,” sabi ni Néry.
“The Philippines is full of treasures, full of incredible marine life and that’s what makes a place attractive for free divers,” aniya pa.
Inihayag ng Department of Tourism at ni Néry na handa rin sila sa posibilidad na maglunsad ng freediving world championship sa Pilipinas sa susunod na mga taon sa patuloy na pagsisikap ng kagawaran upang makilala ang bansa bilang pangunahing freediving destination.
Buo naman ang pag-asa ni Néry na mas marami pang Pilipino ang susuporta sa mga aktibidad para sa freediving at magbubukas ng karagdagang mga freediving center sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.
Sinabi naman ni Undersecretary for Tourism Development Benito Bengzon Jr. na naniniwala ang kagawaran na malaki ang maitutulong ng nasabing watersport upang makahikayat ng mas marami pang turista sa bansa, partikular na pinupuntirya ang 10 porsiyento ng mga European diver na nahuhumaling sa freediving bilang recreational sport.
“Our National Tourism Development Plan identifies diving as one of our primary tourism products,” ani Bengzon, isang certified open water diver.
Nagtuturo at nagbibigay ng pagsasanay sa Centre International de Plongee en Apnee, ang pangunahing freediving club sa France, nasa Pilipinas ngayon si Néry upang pangasiwaan ang tatlong-araw na freediving workshop para sa mga Pilipino at mga dayuhan.
Maglilibot din siya sa Barracuda at Kayangan Lake ng Coron, kasama na ang tanyag na mga shipwreck dive site at ang Cathedral Cave; magsasagawa ng marine conservation activities katuwang ang Sulubaaï Environment Foundation; at bibisita sa Odessa Mermaid Academy sa El Nido.
Dadalo rin si Néry sa pagpapalabas ng limang pelikula ng Les Films Englouttis, at makikisalamuha sa kanyang mga tagahanga sa Mactan, Cebu.