Ni ALI G. MACABALANG
MARAWI CITY – Dismayado kay Pangulong Duterte ang ilang sektor dahil sa anila’y kawalan nito ng malasakit sa kasalukuyang sinasapit ng evacuees mula sa Marawi City, kabilang ang mga nagplano ng mass homecoming ng mga residente ng siyudad sa Lunes, kasabay ng ikalawang State-of-the-National Address (SONA) ng Presidente.
“Sobra kaming dismayado dahil umaasa kami sa kanya (Duterte, sa pagbisita nitong Huwebes), na may sasabihin siya tungkol sa aming mga evacuees, o kahit ano na makapaglulubag sa damdamin ng Maranao community sa sinasapit namin ngayon,” sinabi ng isang guro sa pampublikong paaralan nang kapanayamin sa telepono ng may akda.
Tinukoy ng ayaw magpabanggit ng pangalang guro ang pagbisita ng Pangulo sa Marawi nitong Huwebes makaraang ilang beses na makansela dahil sa masamang panahon.
Kasama sina Defense Secretary Delfin Lorenzana at National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., sa kanyang talumpati ay nagpasalamat si Duterte sa kabayanihan at pagsasakripisyo ng mga sundalo upang mabawi sa Maute Group ang Marawi.
Bilang pasasalamat, namahagi ang Pangulo ng iba’t ibang gamit sa militar, ayon sa media reports.
Sinabi naman ng isang Maranao na retiradong opisyal ng Philippine Army, na ngayon ay evacuee sa Iligan City, na bagamat hinahangaan niya si Duterte sa pagkakaroon ng “kagustuhang ma-comfort ang mga sundalo, dapat na nagpakita rin ang Presidente ng malasakit sa 300,000 kataong naapektuhan ng digmaang pakana ng gobyerno niya.”
Dahil dito, inaasahang itutuloy ng daan-daang evacuees ang planong pagmamartsa papasok ng Marawi sa Lunes, kasabay ng ikalawang SONA ng Pangulo.
Una nang sinabihan ng Malacañang ang mga organizer ng homecoming na huwag nang ituloy ang kanilang balak dahil nagpapatuloy pa rin ang bakbakan sa Marawi.
Sa mga huling Facebook post ni Drieza Abato Lininding, isa sa mga homecoming organizer, sinabi niyang handa na ang lahat para sa pagmamartsa nila sa Lunes.
Ang nasabing protesta ay suportado ni Marawi City Mayor Majul Gandmra, ng social network leader na si Agakhan “Bin Laden” Sharief, at ni dating Assemblywoman Samira Gutoc-Tomawis, na nagbitiw bilang isa sa mga bumuo ng bagong Bangsamoro Basic Law bilang protesta sa “rape joke” ni Duterte noong Mayo.