June 08, 2026

Home BALITA Politics

'Wag ka masyadong demanding!' Sen. Raffy, binira reklamo ni Sen. Alan na wala siya sa mga dyaryo

'Wag ka masyadong demanding!' Sen. Raffy, binira reklamo ni Sen. Alan na wala siya sa mga dyaryo
Photo courtesy: via Senate of the Philippines

Pinuna ni Sen. Raffy Tulfo ang naging reklamo ni Sen. Alan Peter Cayetano hinggil sa hindi umano paglagay sa kaniya sa front page ng ilang news outlets nang magbigay siya ng pahayag sa pananatili umano niyang Senate President, kasabay nang naging pagluklok noon kay Sen. Win Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at Acting Senate President.

Sa pagbubukas ng pagdinig ng Blue Ribbon Committee sa ilalim ng Gatchalian bloc, ipinaliwanag ni Tulfo kay Cayetano ang kalakaran umano ng media sa paggamit ng front page ng kanilang mga dyaryo.

“At kay Senator Cayetano, 'wag po tayong masyadong demanding ano po?” giit ni Sen. Raffy.

Dagdag pa niya, “Etong magreklamo na wala ka sa frontpage, limited po ang frontpage space ng mga dyaryo kaya pili lang po talaga ang nalalagay diyan. Pero hindi ibig sabihin, hindi na sila patas.”

Paliwanag pa ni Sen. Raffy, bagama’t hindi napasama sa front page ng mga news outlet ang pahayag ni Cayetano noon, maaari daw mabasa ito sa mga news online platforms kung saan mas madami ang nagbabasa.

Politics

Rep. Erice, binanatan si Sen. Bam matapos pasalamatan si Sen. Chiz

“Dahil kung titingnan mo naman online, all these news outlets reported his statements. It is in their online platform kung saan libo-libo ang nagbabasa,” anang senador.

Banat pa ni Tulfo, “The frontpage is reserved for the biggest and latest news, yun bang bagong kaganapan. Yung po kasing pagkapit sa kapangyarihan at hindi pagtanggap sa pagkatalo n'yo [ay] lumang balita na po.” 

Hirit pa niya, “But nevertheless it was reported upon, i-Google n'yo po yun.”

Noong Hunyo 4 nang banatan ni Cayetano ang media matapos umano ang hindi paglalabas ng balanseng balita sa nangyaring pagbabago sa liderato ng Senado.

Matatandaaang tuluyang nahati ang paksyon ng mga senador sa Senado matapos magdaos ng sesyon ang minority bloc nang dumating si Sen. Chiz Escudero mula sa majority bloc—matapos ang ilang araw na hindi nila pagsipot sa sesyon. 

Si Sen. Alan Peter Cayetano ang Pangulo ng Senado habang si Sen. Loren Legarda naman ang kaniyang Senate President Pro Tempore, bago ang sesyon nitong Miyerkules ng hapon. 

Sa kabila nito, nanindigan si Cayetano na siya pa rin ang Pangulo ng Senado at iginiit na ilegal ang nangyaring quorum noon ng Gatchalian bloc.