Ni: Rizaldy Comanda
BAGUIO CITY – Nahuli sa akto ng mga operatiba ng Baguio City Police Office (BCPO)-Station 4 at mga empleyado ng Philippine Military Academy (PMA) ang 17 katao, kabilang ang dalawang menor de edad, habang ilegal na nagmimina sa loob ng PMA Compound sa Fort Del Pilar, nitong Huwebes ng hapon.
Kinilala ng pulisya ang mga naaresto na sina Rufino Daloria Zubia, 48; Dayote Artemio Papay, 47; Miguel Letada Legaspi, 42; Mariano Facundo Lacondazo, 38; Edgar Galleo Lupian, 37; Paul Mark Rivera, 31; Raffy Foy-awon, 28; Felmore Empizo, 27; June Rivera, 27; Wilmer Maclinic, 27; Marvin Lupian, 25; Aimon Maclinic, 22; Herodes Lingfiawan, 21; Joshua Taño, 19; Jake Maclinic, 19; at dalawang 17-anyos.
Ayon kay BCPO director Senior Supt. Ramil Saculles, isinumbong sa kanila ng mga residente ang tungkol sa ilegal na pagmimina sa lugar.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang nasa 20 sako ng lupa, limang bagong putol na pine lumber na sumusuporta sa mga butas sa minahan, isang blower, isang sledge hammer, isang pait, isang pala, at 15 flashlight.
Nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang pulisya upang matukoy ang iba pang minero na nakatakas sa operasyon para maaresto rin ang mga ito.
Inilipat naman sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang dalawang binatilyo.