Ni: PNA

HINIHIKAYAT ng mga grupong kumukonsumo ng electronic cigarettes, o e-cigarettes, o “vapes”, ng mga lokal na eksperto sa kalusugan at anti-tobacco advocates na pag-aralan ang mga naisagawang pag-aaral tungkol sa paggamit ng e-cigarette bilang ligtas na alternatibo sa sigarilyo.

Ito ay matapos na mapaulat na nais ipagbawal ng World Health Organization (WHO) ang paggamit ng e-cigarettes, at sinabi ni Health Secretary Paulyn Ubial na bukas ang Department of Health sa nasabing rekomendasyon ng ahensiyang pangkalusugan ng United Nations.

“The WHO, which believes that the only way to reduce smoking is for smokers to ‘quit or die’, should open its eyes to the evidence and consider the potential for new technologies, such as e-cigarettes, to reduce smoking-related harms,” pahayag ni Tom Pinlac, presidente ng grupong The Vapers Philippines.

“Let us provide smokers who are trying to quit with accurate information on e-cigarettes,” sabi ni Joey Dulay, presidente ng Philippine E-Cigarette Industry Association (PECIA).

Ang rekomendasyon ng WHO na ipagbawal ang paggamit ng e-cigarettes ay batay sa report ng Electronic Nicotine Delivery Systems (ENDS) na inilabas noong Agosto 2016.

Nakasaad sa report na ang pagkakalantad ng mga gumagamit ng e-cigarettes sa metal ay may mas mataas na peligrong kaakibat kumpara sa mga nakakalanghap ng second-hand smoke.

Masusing sinuri ng UK Centre for Tobacco and Alcohol Studies (UKCTAS) ang report ng WHO, na inakda nina John Britton (pinuno ng Royal College of Physicians Tobacco Advisory Group), Ilze Bogdanovich (Cancer Research UK), Ann McNeil (propesor ng Tobacco Addiction sa King’s College London, at trustee ng Society for the Study of Addiction and Healthier Futures), at Linda Bauld (propesor ng Health Policy sa University of Stirling).

Binigyang-diin ng mga kritiko ng UKCTAS ang ebidensyang inilatag ng “Nicotine without Smoke” report ng Royal College of Physicians na inilabas kamakailan, na nagsabing ang paggamit ng e-cigarettes ay hindi gaanong delikado kumpara sa paninigarilyo at iminungkahi na ang mga naninigarilyo na nahihirapang itigil ang bisyo ay gumamit na lamang ng e-cigarette.

Ayon sa mga kritiko ng UKCTAS, hindi naiprisinta nang tama ng WHO ang mga kemikal na taglay ng e-cigarettes.

Partikular ang report na mas mataas ang panganib na dala ng e-cigarettes kaysa sa posibilidad na mabawasan ang paninigarilyo; hindi rin umano tama ang antas ng kapahamakang dala ng e-cigarettes sa pagkonsumo ng sigarilyo at walang matibay na ebidensya ukol sa peligrong dulot nito sa mga makakalanghap ng usok mula sa naturang alternatibo.

Napag-alaman ng mga kritiko ng UKCTAS na ang metal emission mula sa e-cigarettes ay walang dulot na malubhang sakit.