Ni: Orly L. Barcala

Arestado ang dalawang lalaki na kapwa umano miyembro ng gun-for-hire syndicate, matapos isumbong ng live-in partner ng isang police official na plano nilang patayin sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang mga inaresto na sina Antonio “Tony” Mateo, 35, at Johnny Salas, 38, kapwa ng Barangay Tonsuya, Malabon City.

Ayon kay SPO1 Alexander Dela Cruz, inaresto ang mga suspek sa kani-kanilang tahanan nang isumbong ni Melanie Niyeras, 32, live-in partner ni Police Sr. Inspector Bobby Mario Egera, na dating hepe ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Malabon Police, dakong 10:00 ng gabi.

Bersamin, pinabulaanang ipinasisibak na si HS Romualdez sa puwesto

Sinabi ni SPO1 Dela Cruz na target ng mga suspek si Egera dahil ito ang nanguna sa isang operasyon laban sa grupo ng mga suspek.

“Madalas nilang iniikutan ‘yung bahay ni Sir Bobby (Egera), siguro inaalam ng mga suspek kung naroon sa bahay ang kanilang target,” ani SPO1 Dela Cruz.

Lingid sa mga suspek na kinunan sila ng video ni Niyeras habang nagmamanman at tinandaan ng ginang ang mukha ng mga suspek.

Bandang huli ay naglaglagan ang dalawang suspek nang sabihin ni Mateo na isinama siya ni Salas sa planong pagpatay, ngunit tumanggi naman ang huli at sinabing nagpupunta siya sa lugar ni Niyeras dahil mangungutang siya ng pera sa kanyang kapatid na kalugar ng live-in partner ng police official.