Ni: PNA
ISUSULONG ng Philippine Dermatological Society ang kamalayan sa mga sakit sa balat, partikular ang eczema, sa unang selebrasyon ng National Eczema Congress/Fair sa Robinsons Place, Manila sa Hulyo 23.
“There will be free skin consultation from 1 p.m. to 6 p.m. on that day,” pahayag ni Philippine Dermatological Society president, Dr. Angela Lavadia, sa forum ng Philippine College of Physicians sa Quezon City nitong Martes.
Tampok sa kaganapan ang mga lecture, booth, video wall, laro at iba pang aktibidad, na kaakibat ng sabay na pagdiriwang ng World Skin Health Day, sa pangunguna ng Philippine Dermatological Society, at ng International League of Dermatological Societies.
Inaasahan na matutulungan ng mga aktibidad na nabanggit ang publiko na malaman ang mga bagay sa kapaligiran na nagiging sanhi ng pagkakaroon ng eczema, ayon kay Lavadia.
Ayon sa kanya, ilan sa mga sanhi ng pagkakaroon ng eczema ang allergens, pawis, damit, cosmetics, sabon at detergents, alahas, pagbabago sa klima, stress, pagsusuot ng masisikip na damit, paggamit ng electric blankets, mga paulit-ulit na sakit sa balat, pagkain, pagkakalantad sa init at lamig, at alikabok dulot ng polusyon.
“Usually, eczemas are undetected, since they are not life-threatening,” sabi ni Lavadia, at binigyang-diin na maaaring maapektuhan ng ganitong uri ng sakit ang lahat—bata man o matanda.
Aniya, ang pagkamot sa apektadong lugar ang madalas na ginagawa ng mga nakakaranas at saka lamang kukonsulta sa doktor kapag malala na ang kondisyon.
Nagagamot ang eczema, kabaligtaran ng paniniwalang paulit-ulit ang pagkakaroon nito at mananatili nang nasa balat.
Binalaan din ni Lavadia ang publiko na huwag papahiran ng bawang o alkohol ang apektadong lugar sa balat dahil palalalain lamang nito ang eczema.