Ni: Mina Navarro

Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) ang pag-aresto sa isang babaeng Amerikano na wanted sa kanyang bansa dahil sa pagdukot sa dalawa niyang anak, para dalhin sa Pilipinas.

Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang takas na dayuhan na si Ana Centillas Lorrigan, 57, na nadakip ng mga operatiba ng Fugitive Search Unit (FSU) ng kawanihan sa Barangay Calapacuan, Subic, Zambales nitong Biyernes.

Ide-deport sa Amerika si Lorrigan dahil sa pagiging undocumented alien, at pasó na rin ang pasaporte niya at ng dalawa niyang anak.

Lacson, tila nagpatutsada sa ilang nag-file ng COC: 'The following are not disqualified...'

“Lorrigan left her children with her sister. She has become undocumented and as a consequence she lost her privilege to stay here,” ani Morente.

Una rito, inabisuhan ng US Embassy ang BI tungkol sa pagiging wanted ni Lorrigan sa isang US district court sa Southern California sa kasong international parental kidnapping.

Kapag napatunayang nagkasala, maaaring makulong si Lorrigan ng hanggang tatlong taon.

Nabatid na Abril 15, 2011 nang dumating sa Pilipinas si Lorrigan at dalawa niyang anak, isang babae at isang lalaki.