Ni: PNA
PINAIIGTING ng National Power Corporation, kasama ang lokal na pamahalaan ng Bokod sa Benguet, ang mga programang nagbibigay ng proteksiyon sa tinatayang 86,000 ektarya ng Upper Agno River Watershed.
Matatagpuan ang watershed sa Benguet ngunit ang ibang parte nito ay matatagpuan sa mga katabing probinsya ng Nueva Vizcaya, Ifugao, at Mountain Province.
Ayon kay Nopre Castro, chief forester ng Upper Agno River Watershed, ang watershed ang pinagmumulan ng tubig na nagpapagana sa mga hydroelectric power plant — ang Binga Hydro Electric Power Plant, Ambuklao Hydro Electric Power Plant, at San Roque Hydro Electric Power Plant. Ang tubig na dumadaloy sa Ambuklao papuntang San Roque Dam ay matatagpuan sa gitna ng Benguet at Pangasinan.
Nakalilikha ang Binga ng 125 megawatts ng kuryente, 105 megawatts naman ang kuryenteng nalilikha ng Ambuklao habang 500 megawatts naman sa San Roque. Kapag pinagsama-sama, nakalilikha ng mahigit 700 megawatts ng kuryente ang tatlong dam para sa Luzon.
Gayunman, sinabi ni Castro na dahil sa kapahamakang dulot ng ilegal na pagpuputol ng puno gayundin ang pagtatambak ng lupa sa ilang bahagi ng watershed upang gawing taniman, pinaiigting ang mga programa para sa pagpoprotekta sa pinagkukunan ng tubig.
Sa kasalukuyan, mayroong walong forest ranger na nagbabantay sa lugar.
Dagdag pa ni Castro, inaasahan nilang aaprubahan ang pagtatalaga nila ng 20 pang forest ranger para palawigin ang pagbibigay ng proteksiuon at pangangalaga sa watershed.
Ipinaliwanag din ni Castro na ang kanilang tungkulin ay ang protektahan, pangalagaan at pangasiwaan ang watershed, na hindi lamang pinakikinabangan ng bayan kundi ng lahat ng Pilipino dahil sa pagkakaroon ng tatlong power plant na nagsu-supply ng kuryente sa Luzon.
Binanggit din ni Castro na maaaring hindi maging epektibo ang pagpapataw ng parusa sa mga lumabag sa batas at posibleng hindi pa rin mawaglit ang posibilidad na may mangahas pa ring sirain ang watershed.
Mas mabuting turuan ang publiko sa pamamagitan ng pagsasagawa ng information and education campaigns (IEC).
Ayon naman kay Senior Inspector Vicente Tamid-Ay, hepe ng pulisya sa Bokod, ang pagpapatrulya sa watershed area ay regular na naisasagawa kaya mababa ang antas ng kriminalidad sa naturang bayan.
Sinabi rin niya na kinumpiska ng pulisya ang mga pine lumber na ilegal na pinutol ng mga logger at transporter. Sinampahan na ng kaso ang mga naaresto.
Dalawang oras na biyahe ang layo ng Bokod mula sa Baguio City.