CoA: P500k cash, mga alahas sa Bilibid nawawala

Humihiling ng imbestigasyon ang Commission on Audit (CoA) sa pagkawala ng mahigit P500,000 cash at ilang alahas na nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Correction (BuCor) sa 35 biglaang pag-iinspeksiyon sa mga selda sa National Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City, alinsunod sa Oplan Galugad.

Sinabi ng CoA na sa isa sa mga paghahalughog sa mga selda ay nasamsam ng mga operatiba ng Oplan Galugad ang isang Apple iPad 2 na pag-aari ng BuCor na idineklarang nawawala.

“The confiscated moneys totalling P3,658,479.10 was short by P502,180.00. Likewise, not all confiscated jewelries with an undetermined amount were turned over to the BuCor cashier for safekeeping,” saad sa kalalabas na 2016 annual audit report ng CoA para sa BuCor.

National

Kitty Duterte, ibinahagi latest na mensahe ni FPRRD sa kanilang pamilya

Sinabi ng mga state auditor na nakakumpiska ng mga ilegal na droga, mga baril, mga patalim, iba’t ibang alahas at pera sa 35 operasyon ng Oplan Galugad simula noong nakaraang taon.

Inilumsad ni BuCor Director General Ricardo Raineier G. Cruz III ang Oplan Galugad upang matigil na ang pagpapasok ng mga ilegal na kontrabando sa NBP simula noong Nobyembre 4, 2015.

Ayon sa mga auditor, bagamat tapat ang layunin, walang patakaran sa wastong pangangasiwa o pag-iingat sa mga nakumpiskang kontrabando kaya naman ang mga ito ay may “risk of loss.”

“On the other hand, not all confiscated jewelries were turned over to the Cashier’s office. Verification showed that only one piece of necklace and bracelet were turned over by the Galugad team to the cashier,” saad ng CoA, sinabing may limang alahas ang nawawala.

Intasan ng CoA ang BuCor na papanagutin ang mga sangkot sa pagkawala ng pera at mga alahas.

Una nang kinumpirma ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na bumalik na naman ang bentahan ng ilegal na droga sa NBP.

Sinabi pa ng kalihim na may sangkot umanong ilang tauhan ng Special Action Force (PNP) ng Philippine National Police (PNP) sa nasabing anomalya.

Dahil dito, nakatakdang palitan ang mga operatiba ng SAF na kasalukuyang nagbabantay sa Bilibid.

Gayunman, iniulat na iminungkahi ni PNP chief Director Gen. Ronald dela Rosa kay Pangulong Duterte na sa halip na SAF uli ay tropa ng Philippine Marines na lamang ang pagbantayin sa NBP.