Ni: Johnny Dayang

ANG agham at teknolohiya na suportado ng malikhaing pananaliksik ay mahalagang makinang tagatulak ng pagbabago tungo sa makabuluhang paglago ng ekonomiya at ng pambansang kaunlaran.

Ito ang buod ng panukalang batas na “Sience for Change Program” (S4CP) ni Albay Rep. Joey S. Salceda na aprubado ng House Committee on Science and Technology. Dahil sa kahalagahan nito, iniutos ni Speaker Pantaleon Alvares na unahin ito sa muling pagbubukas ng sesyon ng Kongreso ngayong buwan.

Layunin ng House bill 4581 o S4CP na lalong palaguin ang pamumuhunan sa agham at teknolohiya upang pabilisin ang pagsulong ng mga siyentipikong pagbabago, pananaliksik at mga imbensiyon upang lalong mapaangat ang pandaigdigang kahusayan ng bansa.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Binalangkas ni Salceda ang S4CP sa pakikipag-ugnayan ng Department of Science and Technology (DOST) at ng science/technology/research/development community ng bansa. Siya rin ang pangunahing may-akda ng dalawa pang panukalang batas na kapwa itinuturing na game changer—ang Universal Access to Tertiary Education na ngayong naghihintay na lamang sa lagda ni Pangulong Rodrigo Duterte, at ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) na nasa bicameral committee na ngayon.

Ang kahalagahan ng S4CP na tinatawag ding “Science for the People” ay makikita sa panukalang P21 bilyong R&D budget nito sa unang taon na halos madudoble taun-taon sa susunod na limang taon at aabot sa P672 bilyon sa 2022. Ang kabuuang R&D budget ng gobyerno ngayong 2017 ay P5.8 bilyon lamang.

Sa talumpati sa 2017 graduates ng UP National Institute of Physics (NIP) kamakailan, sinabi ni Salceda na napakahalaga ng papel ng mga scientist at researcher sa pagsusulong ng pandaigdigang kahusayan ng bansa. Hinamon niya ang mga nagsipagtapos at ang mga professor ng NIP na itaas sa susunod na antas ang kanilang mga tagumpay at suportahan ang S4CP sa pamamagitan ng aktibong paglahok... sa mga programa nito, kabilang ang “Human Security R&D” (may kahusayan ang NIP sa terahertz technology); “Strengthening R&D” sa mga rehiyon; at “Artificial intelligence;” at iba pang mga programa nito, kasama ang “Grand Plan for S&T HRD,” at “Accelerated Research and Development (R&D) Program for Capacity Building of R&D Institutions and Industrial Competitiveness.”

Dalawang dahilan ang nag-udyok kay Salceda para balangkasin niya ang S4CP—ang UNESCO assessment kamakailan na nagsasabing lubhang kailangan ng bansa na paramihin ang mga “Researchers, Scientists and Engineers (RSE)” nito, at ang pinalaking DOST budget, pati na ang pinalaki ring inilaaan sa Philippine Science High School at Science Education Institute ng DOST.