Ni: PNA

NAKAAMBA ang baha at pagguho ng lupa sa silangang bahagi ng Luzon at Visayas sa pagtatapos ng linggong ito dahil sa ulan na idudulot ng low-pressure area (LPA).

Ayon kay Obet Badrina, weather forecaster ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), maaaring mabuo ang LPA sa Sabado, Hulyo 8, sa karagatan ng silangang bahagi ng Luzon-Visayas na magdadala ng bahagya hanggang sa katamtamang lakas ng ulan na maaaring magdulot ng baha at pagguho ng lupa.

“Communities concerned must prepare for those possible occurrences and thunderstorms as well,” sabi niya sa forum na ginanap sa Metro Manila kahapon.

Maliban sa ulan, inaasahan din ng mga eksperto na may kasamang kulog at kidlat, buhawi at hailstorms ang pag-ulan.

Maaaring makaranas ang ibang parte ng bansa ng maulap na panahon at pag-ulan na may kasamang kulog at kidlat mula Miyerkules, Hulyo 5, hanggang sa Linggo, Hulyo 9.

Sinabi rin nito na maaaring dumating ang bagyo sa hapon at gabi.

Gayunman, hindi inaasahan ng PAGASA na mauuwi ang LPA sa tropical cyclone (TC).

Binanggit din ni Badrina na maaaring tumama sa lupa ang LPA kaya may mababang tsansa na lumakas ito.

Inaaasahan niyang lalabas sa bansa ang LPA mula Linggo, Hulyo 9, hanggang sa Lunes, Hulyo 10.

May namuo ring LPA noong nakaraang linggo sa silangang bahagi ng bansa na sa tubig tumama at hindi sa lupa.

Dahil sa nakuhang enerhiya mula sa tubig, nauwi sa bagyo ang naturang LPA at tinawag na ‘Emong’.

Ikalimang bagyo na ang Emong na tumama sa bansa ngayong taon.

Ayon sa PAGASA, TC, LPA, thunderstorm, southwest monsoon, inter-tropical convergence zone, ridge of high-pressure area at northeast monsoon ang maaaring tumama sa Pilipinas mula Hulyo hanggang Disyembre ngayong taon.

Inaasahan ng ahensya na siyam hanggang 14 na bagyo ang tatama sa bansa sa loob ng susunod na anim na buwan.

Dalawa hanggang tatlong bagyo ang posibleng manalasa sa Pilipinas ngayong Hulyo.