Ni: Associated Press
NAGAGAWA ng hawak mong smartphone ang mag-record ng video, i-edit ito at i-post para makita ng buong mundo. Gamit ang iyong telepono, kaya mo nang maglibot sa kahit saan, bumili ng kotse, tukuyin ang iyong vital signs at maisakatuparan ang libu-libong iba pang gawain.
Ang bawat isa sa mga aktibidad na ito ay ginagamit upang may bagong partikular na matutuhan, at kumalap ng mga kinakailangang resources para makumpleto ito. Gagawa ng pelikula? Una, kumuha ng movie camera at iba pang suportang teknolohiya. Ikalawa, alamin kung paano gamitin ang mga ito at maghanap ng mga tauhan. Ikatlo, gawin ang pelikula.
Ikaapat, i-edit ang pelikula. Ikalima, gumawa ng mga kopya at ipamahagi na ang mga ito sa mga manonood.
Hindi lahat ng nabanggit ay mareresolba ng teknolohiya. Hindi na natin matutuhan ang mga detalye ng isang bagong ideya o karanasan kung pati ang mga ito ay gagawin na ng smartphone programmer para sa atin. Ngunit mas malaya na ngayon ang mga filmmaker upang tutukan ang kanilang trabaho, at mas madali na para sa kanila ang paggawa ng pelikula.
Kung kasaysayan ang pagbabatayan, bawat isa sa atin ay nalimitahan na sa pag-iisip dahil sa teknolohiya, pero ginawa tayo nitong matatalino—pinatalino sa kabuuan. Dahil sa teknolohiya, mas marami na tayong nagagawa bagamat hindi na natin masyadong iniintindi kung ano ang ginagawa natin, at tumindi na rin ang pagdepende natin sa iba.
Hindi na bago ang mga ito, bahagi na ito ng kasaysayan ng teknolohiya kahit noon pa mang unang matutong magsaka ang tao. Sa nakalipas na mga dekada, tatlong malalaking pagbabago ang nagpabilis sa proseso, ang una ay ang pagbilis ng pagpapakadalubhasa ng tao sa partikular na kakayahan. Bukod dito, gumagamit tayo ng kakayahan ng iba para sa technological tools, gaya ng mga smartphone app sa paggawa ng pelikula, kaya naman hindi na malaking hamon para sa atin ang matutuhan ang sangkatutak na kaalamang teknikal.
Mas madali na rin ang pagpapakdalubhasa sa ngayon, ngunit sa pamumuhunang ito sa kaalaman — halimbawa ay kung paano magiging isang ER nurse o computer coder — ay nababalewala ang iba pang simple ngunit mas mahahalagang kakayahan tulad ng kung paano makapagtatanim ng sariling pagkain, o kung paano makapagtatayo ng bahay.
Paano nga ba nagagawang makaagapay ng tao sa mundong ito na karaniwan na ang mas madalas na pagdepende sa iba?
Totoong imposibleng asahan lamang ang sarili, ngunit maaari namang matutuhan ang mga detalye ng teknolohiyang ginagamit natin, ang alamin ang mga pangunahing impormasyon tungkol sa pagkukumpuni, at maghanap ng mga taong may aktuwal at malawak na kaalaman tungkol sa isang partikular na paksa. Sa paraang ito, mababawasan kahit paano ang pagdepende ng tao sa saganang impormasyon na hatid ng Internet.
Ang bawat isa sa atin ay tunay na mas nakadepende na ngayon sa teknolohiya—ngunit mas marami pa tayong magagawa para ganap itong mapakinabangan para sa sarili nating interes. Sa kabuuan, naging mas matalino tayo, mas may kakayahan, at mas produktibo dahil sa teknolohiya. Ang naitulong lamang ng teknolohiya ay gawin tayong mas matalino sa paggamit nito.