Ni ADOR SALUTA
INIHAYAG na ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang mga pelikulang kasali sa kauna-unahang pagdiriwang ng Pista ng Pelikulang Pilipino sa August 16-22. Mapapanood ang isang dosenang entry sa halos 400 sinehan sa buong Pilipinas.
Masaya si Gerald Anderson dahil napasama ang kanyang pelikulang AWOL sa mga sumusunod: Birdshot, Triptiko, Slavage, Ang Manananggal sa Unit 23B, Star Na si Van Damme Stallone, Patay Na si Hesus, Bar Boys, Paglipay, 100 Tula Para Kay Stella, Pauwi Na, at Hamog.
Ayon kay Gerald, ang ginagampanan niya sa AWOL ang isa sa mga dream role niya.
“Sobrang na-excite ako para sa movie. Tungkol ‘to sa isang sundalo na nag-AWOL (absent without leave),so sobrang interesting at sobrang action jampacked. Actually, medyo nasa high pa din ako kasi two days ago ko lang napanood kasi ipapalabas na nga,” pahayag ni Gerald .
Bagamat hindi kalakihan ang budget ng pelikula, aminado si Gerald na masaya siya para sa magandang simulaing ito para sa pelikulang Pilipino.
“Last year pa ‘yan. Actually natapos kami late last year ‘tapos ito na ipapalabas na nga. Siguro 11 days lang kami nag-shoot ‘tapos super budget ang film pero kapag napanood n’yo hindi ako exaggerated talagang magugustuhan n’yo,” kuwento ni Gerald.
Pinasalamatan din ni Gerald ang FDCP at ang mga bumubuo ng Pista ng Pelikulang Pilipino para sa pagkakapili sa kanilang obra.
“I’m just happy and blessed na may mga ganitong opportunity ako na ipinagkakatiwala sa akin kaya thank you po,” pagtatapos ng aktor.
Ang AWOL ay mula sa direksiyon ng award-winning na si Enzo Williams.