Ni: Genalyn D. Kabiling
Inaprubahan ni Pangulong Duterte ang 11 proyektong imprastruktura na layuning mapabuti ang transportation network at water resource management ng bansa.
May kabuuang halaga na P305 bilyon, inaprubahan ang mga proyekto sa pulong ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa Malacañang nitong Martes.
“All items submitted to yesterday’s (Tuesday) NEDA Board were approved by the Cabinet,” saad sa pahayag ni Presidential Spokesman Ernesto Abella.
Ang pinakamalaki sa mga inaprubahang proyekto ay ang Malolos-Clark railway project o ang Philippine National Railway (PNR) North 2 na nagkakahalaga ng P211.43 bilyon.
Inaprubahan din sa pulong ng NEDA ang: Mindanao Railway Project Phase 1, Tagum-Davao, na nagkakalahaga ng P35.26 bilyon; ang Cavite Industrial Area Flood Risk Management Project, P9.89B; ang Clark International Airport expansion, P12.55B; Education Pathways to Peace in Conflict-Affected Areas of Mindanao, P3.47B; ang Australia Awards and Alumni Engagement Program-Philippines, P1.19B.
Aprubado na rin ang New Communications, Navigation and Surveillance/Air Traffic Management Systems Development Project, P10.87B; ang LRT Line 1 North Extension Project-Common Station, P2.8B; ang Arterial Road Bypass Project Phase II, P4.62B; ang Kaliwa Dam Project ng MWSS, P10.86B; at ang Chico River Pump Irrigation Project ng NIA, P2.7B.