Nina FER TABOY, FRANCIS WAKEFIELD at ARGYLL CYRUS GEDUCOS
“Ininom ‘yung dugo ng sundalo na pinugutan ng Maute Group”.
Ito ang napaulat na inihayag ng isang sibilyang Kristiyano na nagsabing nakita ng kanyang grupo kung paanong pinugutan ng ulo ng mga teroristang Maute ang umano’y nahuling sundalo ng mga ito sa Barangay Marinaut, Marawi City, Lanao del Sur.
Ayon kay Michelle Palacio—taga-Zamboanga at isa sa 11 sibilyang na-rescue ng gobyerno sa walong-oras na humanitarian pause para sa Eid’l Fitr nitong Hunyo 25—nakita nila nang magpalitan ng mga putok ang mga sundalo at mga terorista sa nasabing barangay.
Batay sa online report ng Bombo Radyo, isinalaysay ni Palacio sa pulisya na matapos umanong mahuli ng mga Maute ang ilang sundalo ay sinabing pinugutan ng mga terorista ang isa sa mga ito.
Kuwento pa ni Palacio, sinahod ng Maute sa isang maliit na baso ang dugong tumulo mula sa pinugot na ulo at naghalinhinan umano ang anim na terorista sa pag-inom mula sa baso.
Bagamat una nang kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ilang bihag at sibilyan na ang pinugutan ng Maute, wala namang inihahayag ang militar tungkol sa pagdakip o pamumugot sa mga sundalo.
Sinabi pa ni Palacio na tinangka silang hulihin ng mga terorista pero biglang dumating ang aerial support ng mga sundalo at nagbagsak ng mga bomba kaya nagsitakbuhan ang mga terorista at nagkani-kaniyang tago.
Kuwento niya, napadpad ang kanilang grupo sa gilid ng Lake Lanao at ilang oras na nanatili roon bago lakas-loob na tumawid sa lugar na hindi kontrolado ng Maute.
NAPATAY SA MAUTE, 299 NA
Samantala, sa update ng AFP kahapon, sinabi ng tagapagsalitang si Brig. Gen. Restituto Padilla na umabot na sa 299 ang mga teroristang napapatay sa Marawi.
Nasa 39 na gusali ay bahay na rin ang na-clear ng militar, ayon naman kay Lt. Col. Jo-Ar Herrera, ng 1st Infantry Division ng Philippine Army, habang may 347 armas na ang narekober mula sa Maute.
Sinabi pa ni Herrera na may pitong bihag pa ang na-rescue ng militar sa Marawi, at “troops also continue discovering shabu and paraphernalia” sa lugar ng bakbakan.
Kinumpirma rin kahapon nio Brig. Gen. Joselito Bautista, commander ng Joint Task Force Marawi, na nakarekober sila ng 17 bangkay ng sibilyan na pawang pinaslang ng Maute.
NASAAN SI HAPILON?
Inihayag din kahapon ng AFP na bineberipika pa rin nila ang mga ulat na nakaalis na sa Marawi ang Abu Sayyaf leader at tumatayong emir ng Islamic State sa Pilipinas na si Isnilon Hapilon, sinabing lubhang napakaimposible nito dahil mahigpit nilang bantay-sarado ang paligid ng siyudad.
“Maaari ring disimpormasyon ito para ma-distract ang ating mga tropa sa paghahanap sa kanya (Hapilon). Kasi alam n’yo, sa mga naiiwan po sa Marawi, siya ang may pinakamataas na presyo ng ulo,” sabi ni Padilla.
Batay sa impormasyon mula sa US Federal Bureau of Investigation, nag-aalok ang US State Department ng pabuyang hanggang $5 million para sa anumang tip na makatutulong sa pagdakip kay Hapilon. Bukod pa ito sa P10 milyon na inialok ni Pangulong Rodrigo Duterte laban kay Hapilon—dead or alive.
“So, ang perang ‘yan ay napakalaki at maaaring nararamdaman niya ang init ng maaaring gustong i-surrender siya para makakuha ng ganitong kalaking halaga,” sabi ni Padilla. “May nagsabing nakadaan sa ganitong daan, sa ganitong paraan... Pero dahil wala nga kaming matibay na [patunay] at alam naming ginagawa namin ang aming makakaya para mabantayan lahat ng lagusan, hindi muna namin pinaniniwalaan hanggang walang patibay.”