Ni BELLA GAMOTEA
Kalaboso ang isang kahera nang gamitin sa pamimili ang naiwang credit card ng kanilang customer sa Taguig City nitong Biyernes.
Naghihimas ngayon rehas sa Taguig City Police si Merilyn Joy Sanggalang y Gomez, 22, cashier sa isang hindi binanggit na hardware, ng Barangay Cembo, Makati City.
Sa ulat ni Taguig City Police chief Sr. Supt. Alex Santos, inaresto si Sanggalang ng mga tauhan ng Police Community Precinct 7 sa pinapasukang hardware sa Market Market, Bonifacio Global City, bandang 1:00 ng hapon.
Sa reklamo ng biktimang si “Wilma”, Hunyo 15 nang huli niyang gamitin ang kanyang credit card sa pagbili ng ilaw sa hardware na pinapasukan ng suspek at kanyang naiwan.
Nitong Hunyo 19 lang napansin ni Wilma na nawawala ang kanyang credit card at nang hindi niya mahanap, makalipas ang dalawang araw, ay nagdesisyon siyang magtungo sa tanggapan ng bangko at sa pulisya upang i-report ang insidente.
Bago pa ipa-block ni Wilma ang kanyang credit card, lumitaw na nagamit na ito ng ibang tao na namili ng mga gamit sa iba’t ibang mall na umabot sa P48,000.
Sa pulisya, inamin ni Sanggalang na ginamit niya ang credit card ng biktima at ikinatwirang gumamit din ang kaibigang guwardiya na si Jimmy Junio.
Nahaharap si Sanggalang sa kasong paglabag sa RA 8484 (Access Device Regulation Act of 1998).