Bumuwelta si Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson Rear Admiral Jay Tarriela kaugnay sa inilabas na Artificial Intelligence (AI) generated video ng China Daily’s publication na naglalarawang unggoy ang mga Pilipino.
Inupload ito ng China Daily noong Hulyo 10, 2026, kung saan mapapanood ang isang unggoy sa nakasuot ng salakot at barong, mga pangunahing katangian ng Pilipino, habang inuutusan umano ng mga bansang United States (US) at Japan.
KAUGNAY NA BALITA: DFA, umalma sa pagtuturing ng China na unggoy sa mga Pinoy!
Sa naging pahayag ni Tarriela sa post niya sa kaniyang mga social media accounts, partikular sa “X,” noong Huwebes, Hulyo 16, sinabi niyang nakakagalit daw na mas may lakas pa ng loob ang China na gumawa ng video na nagpapakita bilang unggoy ang mga Pinoy habang sumusunod sa mga bansang US at Japan.
“Hindi ba’t nakakagalit na ang mismong bansang gumigipit sa ating mga karapatan sa West Philippine Sea ang siya pang may lakas ng loob na gumawa ng video na naglalarawan sa mga Pilipino bilang mga unggoy na basta na lamang sumusunod sa Japan at Estados Unidos?” pagsisimula niya.
Ani Tarriela, caricature lang daw ang ginawa niya noon na nagpapakita sa mukha ng Presidente ng China na si Xi Jinping, habang hayagan naman daw ang aabot sa isang minutong inupload na video ng China Daily bilang pambabastos at pangmamaliit sa mga Pilipino.
“Isang caricature lang ay iniyakan na nila — nagfile pa ng diplomatic protest dahil binastos ko raw ang kanilang lider. Ngunit dito, sa video na ito na mahigit isang minuto, ang binabastos at minamaliit ay ang ating pagka-PILIPINO mismo!” aniya.
Diin ni Tarriela, naalala pa raw niya ang iniutos ng ilang mga senador noon sa kaniya na humingi ng tawad sa China dahil naging paggamit niya ng caricature laban kay Xi Jingping, at binuwelta niyang aabiso raw kaya ang mga nasa matataas na posisyon na humingi ng tawad ang China ngayon.
Pagpapatuloy ni Tarriela, hindi raw unggoy ang mga Pilipino at huwag daw silang pumayag na ihalintulad sila ng China sa nabanggit na hayop.
“Mga kababayang Pilipino hindi po tayo UNGGOY, at huwag tayong pumayag na gawing UNGGOY!” paalala niya.
“Ang mga hayop lamang ang mga nakakagawa ng ganitong pagturing sa kapwa tao at mas masahol pa sa hayop ang hindi marunong sumunod sa international law!” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, mapapanood pa rin ang naturang AI generated video ng China Daily sa kanilang Facebook page sa kabila ng apela ng Department of Foreign Affairs at ni Sen. Robin Padilla na burahin ito.
KAUGNAY NA BALITA: 'Mapanlait!' Kampo ni Sen. Robin, pumalag sa pa-unggoy ng China sa mga Pinoy