Ni: Clemen Bautista
NGAYONG ika-24 ng Hunyo, sa liturgical calendar ng Simbahan at sa kalendaryo ng kasaysayan ng Pilipinas ay dalawang mahalagang okasyon ang magkasabay na ginugunita—ang kapistahan ni San Juan Bautista at ang Araw ng Maynila.
Sa kalendaryo ng Simbahan, isa nang tradisyon na ang kamatayan ng santo o santa ang ginugunita at ipinagdiriwang.
Tinatawag na “Natalitia” o ang pagsilang sa buhay na walang hanggan. Ngunit may isang santo ang Simbahan na natatangi sapagkat ang kanyang kaarawan ang ipinagdiriwang at ginugunita at hindi ang araw ng kanyang kamatayan. Siya ay si San Juan Bautista. Ipinagdiriwang ng Simbahan ang kanyang kaarawan. Natatangi si San Juan Bautista sapagkat isinilang siyang banal.
Ayon sa kasaysayan, nang ipaglihi si San Juan Bautista, maraming kababalaghang nangyari. Napipi ang kanyang ama na si Zacarias dahil sa hindi niya paniniwala sa ibinalita ng anghel na si Gabriel na magkakaanak ang kanyang matandang asawa na si Isabel. Si Maria na ina ni Jesus ay dumalaw kay Sta. Isabel upang pakabanalin ang kanyang anak na noon ay anim na buwan nang ipinaglilihi. At nang isilang si San Juan Bautista, nais ng kanyang mga kamag-anak na Zacarias ang ipangalan, junior sa ating makabagong panahon. Ngunit ang ibig ni Sta. Isabel ay Juan. Iyon din ang pinatunayan ni Zacarias nang kanyang isulat ang pangalang ibinigay sa kanya ng anghel. At saka pa lamang nakapagsalita si Zacarias.
Tinawag na Juan Bautista (ang Juan ay nangangahulugan ng malugod na kaloob ng Diyos) dahil nagbibinyag siya sa ilog ng Jordan. At isa sa kanyang bininyagan ay si Kristo na kanyang pinsan. Bilang isang tinig na sumisigaw sa ilang, si San Juan Bautista ang sugo ng Diyos at tagapakilala ng Mananakop. Humawan ng landas at inihanda ang mga tao sa pagsisisi at sa aral ng Panginoon, ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sandaigdigan. Ipinagtanggol ni San Juan Bautista ang kasagraduhan ng kasal at ang batas ng Diyos laban kay Herodes at Herodias. Ginawang kabit si Herodias na asawa ng kapatid ni Herodes. Dahil dito, si Juan Bautista ay pinapugutan ni Herodes at inilagay ang kanyag ulo sa isang bandehado.
Bilang bahagi ng tradisyong Pilipino, ang kaarawan ni San Juan Bautista ay pagdiriwang naman ng kapistahan ng San Juan City, Metro Manila, ng San Juan, Batangas at iba pang bayan at barangay sa mga lalawigan na ang patron saint ay si San Juan Bautista tulad sa Taytay, Rizal. Tampok sa San Juan City ang basaan at sabuyan ng tubig. Parada naman ng litson baboy ang tampok sa San Juan, Batangas. Dinadamitan ang mga ipinaparadang litson.
Kasabay ng kapistahan ni San Juan Bautista tuwing Hunyo 24 ay ang pagdiriwang ng Araw ng Maynila. Isa sa tampok na bahagi ng pagdiriwang ng Araw ng Maynila ay ang pagkakaloob ng pagkilala sa mga natatanging Manilenyo.
Ayon sa kasaysayan, ang “Maynila,” na isang uri ng halamang tubig, ay kaharian ni Raha Sulayman na may pambihirang tapang at giting at itinuturing na isa sa mga unang nagtanggol sa kalayaan ng Pilipinas. Ipinamalas ito ni Raha Sulayman noong Mayo 24, 1571 nang pataksil na bombahin ng pangkat ni Martin de Goiti, isang mapanakop na Kastila, ang Maynila. Sinundan pa ito noong Hunyo 3, 1571. Napatay si Raha Sulayman at nabihag ang kanyang mga tauhan ngunit ang pagkatalo ni Raha Sulayman ay itinuring na isang maluwalhating tagumpay sapagkat nakipaglaban siya hanggang sa wakas alang-alang sa kalayaan ng Maynila.
Hunyo 24, 1571 ang pormal na pagtatatag ng pamahalaang lungsod ng Maynila ni Miguel Lopez de Legazpi. Mula noon, ang Maynila ang naging sentrong panlipunan, pampulitika at ekonomiyang bansa. Itinuring din na lungsod ng mga dakila, duyan ng magiting at pangunahing Kristiyanong lungsod sa Asia.