MULING bubuksan ng ABS-CBN ang imortal na epic saga at papasuking muli ang mundo ng mga lobo at bampira sa pag-uumpisa ng inaabangang seryeng La Luna Sangre ngayong gabi tampok ang number one love team ng bansa na sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla kasama sina Angel Locsin, John Lloyd Cruz, at Richard Gutierrez.

Daniel at Kathryn
Daniel at Kathryn
Itinuturing na event ng seryeng idinidirehe ni Cathy Garcia-Molina at pagbabalik telebisyon din ng KathNiel matapos ang matatagumpay nilang serye na Pangako Sa ‘Yo at box-office hit na Can’t Help Falling in Love.

Sasabak din sa kanyang unang serye sa ABS-CBN ang pinakabagong Kapamilya na si Richard Gutierrez, na gaganap bilang si Sandrino, ang hari ng mga bampira na hahadlang sa pag-iibigan ng mga karakter nina Malia (Kathryn) at Tristan (Daniel).

Inaabangan din ang espesyal na partisipasyon nina Angel Locsin at John Lloyd Cruz na siyang magsisilbing tagahabi ng istorya mula sa Imortal patungo sa La Luna Sangre.

Human-Interest

Asong malungkot din sa pagkamatay ng fur dad, dumurog sa puso ng netizens

Tatalakayin ng epic saga sa bagong propesiya na tinatawag na “La Luna Sangre” o may itinakdang susupil sa pinakamakapangyarihang bampira at ng itinakdang lobo ang kasamaan ng bampirang may tatak ng sumpang tinta.

Lingid sa kaalaman nina Mateo (John Lloyd) at Lia (Angel) na sila ay guguluhin ng naturang propesiya. Tahimik na sana ang sinimulan nilang payak at mapayapang buhay bilang mga mortal, nang biglang maghasik ng lagim ang bampirang si Sandrino (Richard). Nais nitong pigilan ang propesiya sa pagkakasupil sa kanya kaya kailangan niyang patayin ang anak nina Mateo at Lia na si Malia, ang pinaniniwalaang bagong itinakda. Gagawin ng mag-asawa ang lahat para protektahan si Malia kahit wala na silang kapangyarihan ngunit magagapi sila ng kampon ng kasamaan.

Lilipas ang panahon at lalaki si Malia sa piling ng mga lobo at bampira. Umaasa ang kanilang lahi na siya na nga ang itinakda. Ngunit mabibigo ang lahat nang hindi lumabas ang kanyang kapangyarihan sa kanyang ika-21 na kaarawan — isang mahalagang signos para masabing siya nga ang kanilang tagapagligtas.

Dala ng kahihiyan, tatalikuran ni Malia ang kinagisnang mundo at makikipagsapalaran sa mundo ng mga tao. Makikila niya si Tristan (Daniel), isang binatang buong buhay na hinahanap ang bampirang pumatay sa kanyang ama. Sa paglalapit ng kanilang loob, maging susi kaya si Malia sa katarungang hinahanap ni Tristan? Magbalik pa kaya si Malia sa mundong iniwan para tuparin ang nakatakda sa propesiya? Paano kaya makakaapekto ang propesiya sa namumuong pagtitinginan nina Malia at Tristan?

Ang La Luna Sangre ay nilikha sa ilalim ng produksiyon ng Star Creatives, ang produksiyon sa likod ng matatagumpay na serye tulad ng Lobo, Imortal, Got to Believe, Pangako Sa Yo, Forevermore, Dolce Amore, Pusong Ligaw, at A Love to Last.