Ni: Light A. Nolasco
GAPAN CITY, Nueva Ecija - Bumulagta ang isang 33-anyos na mekaniko makaraang makipagbarilan sa mga pulis na nagsagawa ng buy-bust sa Barangay San Roque sa Gapan City, Nueva Ecija, nitong Miyerkules ng gabi.
Sa ulat ni Supt. Peter Madria, hepe ng Gapan City Police, kay Nueva Ecija Police Provincial Office director Senior Supt. Antonio C. Yarra, nakilala ang napatay na si Joel Santiago Pabustan, ng Sitio Sapang Pajo, Bgy. San Roque, na nasapol ng bala habang nakikipagpalitan ng putok sa mga pulis.
Ayon kay Madria, dakong 6:58 ng gabi nang magsagawa ng buy-bust si PO3 Christopher Soriano, katuwang ang mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Region 3.
Nang matunugan na mga pulis ang katransaksiyon ay kaagad umanong pinaputukan ni Pabustan ang mga ito subalit hindi nakatama pero nang gantihan ng putok ay napuruhan.