Hindi nagpaawat at tuluyan nang nagsalita si Gabriela Women’s Party-list Rep. Sarah Elago hinggil sa umano’y pambabastos na naranasan ng aktres na si Xyriel Manabat.
Ito ay matapos mag-post ang isang TNVS driver na nagngangalang Boss Toyo Mansi ng isang larawan kasama ang aktres.
“Ang laki ng bata na ’yan,” mababasa sa caption.
Kapansin-pansin din ang isang malaswang komento sa nasabing post: "jak*l," mababasa naman sa comment section ng post.
Dahil dito, hindi nakapagtimpi at nagkomento na ang kongresista.
“Kinokondena namin sa Gabriela Women's Party ang asal ng isang TNVS driver na nagpakalat ng litrato at nagbitiw ng malaswang komento laban sa aktres na si Xyriel Manabat. Hindi kailanman katanggap-tanggap na gawing katatawanan o ‘content’ ang pambabastos sa kababaihan,” saad ni Rep. Elago sa isang pahayag.
Aniya, “Ang insidenteng ito ay malinaw na halimbawa ng laganap na kultura ng pambabastos at sexual harassment na patuloy na nararanasan ng kababaihan—kahit sa simpleng pagpasok sa trabaho.”
“Nanawagan kami sa mga ride-hailing platforms na tiyakin ang kaligtasan ng kanilang mga pasahero. Dapat tiyakin na may agarang aksyon laban sa mga driver na lumalabag sa karapatan at dignidad ng kababaihan,” dagdag pa niya.
Nagbigay pa si Elago ng isang suhestiyon na may kaugnayan sa gender sensitivity, at iginiit pa niya ang buong suporta para sa aktres.
“Kagyat ding ipatupad ang mandatory gender sensitivity trainings at anti-sexual harassment seminars para sa lahat ng TNVS drivers. Dapat malinaw na nauunawaan ng bawat driver na ang kanilang serbisyo ay may kaakibat na responsibilidad na igalang ang karapatan, seguridad, at dignidad ng bawat pasahero,” anang kongresista.
“Buo ang aming suporta kay Xyriel sa kanyang paninindigan na panagutin ang may sala. Sa bawat pambabastos na pinapalampas, lalo lamang pinapalakas ang kultura ng karahasan, kaya dapat itong labanan,” pagtatapos ni Elago.
Samantala, nanindigan si Manabat na hindi niya palalampasin ang nasabing insidente ng umano’y pambabastos.
“Hindi ko ’yan papalampasin. Hindi dapat gawing entertainment ’yan in any form. I hope the platform or app will do something about this. It is not petty,” saad ni Manabat sa isa niyang pahayag sa ABS-CBN News.
Nagkomento na rin si Sen. Risa Hontiveros kaugnay sa nabanggit na isyu.
"Mariin nating kinokondena ang pambabastos kay Xyriel Manabat. Sa ilalim ng Bawal Bastos Law, bawal ang anumang sexual harassment—pribado man, sa kalsada, sa loob man ng sasakyan, at kahit online,” saad niya.
MAKI-BALITA: Hontiveros, kinondena umano'y pambabastos kay Xyriel Manabat-Balita
Samantala, kinumpirma naman ng ride-hailing app na “Grab Philippines” na sa kasalukuyan ay nasa ilalim na ng preventive suspension ang nasabing driver.
Nanghingi rin sila ng paumanhin sa naging karanasan ng aktres.