Sabay bumulagta ang mag-ama at kanilang kapitbahay, sinasabing pawang sangkot sa ilegal na droga, sa police operation na nauwi sa engkuwentro sa Rizal kamakalawa.
Kinilala ang mga napatay sina Von Martinez, Sr., 47, anak niyang si Von Martinez Jr., 20, kapwa ng Unit 3B, at si Chiquito Bato, 42, ng Unit 2, pawang sa Sitio Baybay Sapa, Barangay Mayamot, Antipolo City.
Sa ulat ng Rizal Police Provincial Office, bandang 4:30 ng hapon nangyari ang engkuwentro sa Sitio Balanti sa Bgy. San Isidro, sa Cainta, na umabot hanggang sa lugar ng mga suspek.
Una rito, nagsasagawa ng surveillance operation ang mga tauhan ng Cainta Municipal Police Station, sa pangunguna ni Police Senior Insp. Ryan Jay Gaon, para sa buy-bust operation laban sa drug suspect na si “Alvin” at sa kanyang mga kasabwat sa naturang lugar at sa Bgy. Mayamot.
Gayunman, nakahalata umano ang mga suspek na may mga pulis at pinaputukan ang mga ito at nagtangkang tumakas.
Nagkahabulan at nagkapalitan ng putok hanggang sa nakarating sa Sitio Baybay Sapa kung saan bumulagta ang tatlong suspek.
Narekober mula sa mga suspek ang tatlong iba-ibang kalibre ng baril, mga bala at mga basyo at pitong pakete ng umano’y shabu. (Mary Ann Santiago)